PatrolPH

'Mga bata dapat turuang magdesisyon para sa sarili'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 04:45 PM | Updated as of Feb 21 2019 05:32 PM

Watch more on iWantTFC

Dapat bang mga magulang lang ang nagdedesisyon para sa kanilang anak? Hindi sa lahat ng pagkakataon, ayon sa isang eksperto.

Ayon sa family life and child development specialist na si Clarissa Ligon, sa edad na 4 o 5, puwede nang hayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magdesisyon para sa sarili nila ukol sa ilang bagay.

"Maganda rin na mabigyan ang mga bata ng panahon na sila ang magdedesisyon para sa kanilang mga sarili," sabi ni Ligon sa programang"Sakto" ng DZMM.

Tinawag ni Ligon ang mga bagay na maaaring pagdesisyunan na ng mga bata bilang "negotiables," gaya raw ng pananamit.

"[Kung] hindi naman inappropriate, kahit bata pa, style lang ang pinag-uusapan, five years old, four years old, hayaan na natin," ani Ligon.

"Kasi ito ‘yong mga panahon na kung saan naiisip nila, 'Ah, okay, ito pala, kaya kong magdesisyon para sa sarili.'"

Kapag hindi raw kasi naturuan ang mga bata na unti-unting magdesisyon para sa sarili, tatanda raw ang mga ito na parati na lang umaasa sa mga magulang.

"Nahihirapan sila ngayon magdesisyon... May asawa na, 'di makapagdesisyon, tatawagan pa si nanay," ani Ligon.

NON-NEGOTIABLES

"Non-negotiables" naman daw ang tawag sa mga bagay na magulang muna ang may huling pasya gaya ng curfew o kung ano'ng oras dapat nakauwi ang bata mula sa lakad.

Pero mainam ding konsultahin ng mga magulang ang anak ukol sa "non-negotiables."

"Hindi naman ibig sabihin na huwag na natin kausapin iyong bata... bilang magulang puwede mo rin tanungin," ani Ligon.

Kapag buo na ang pasya ng magulang sa isang desisyon pero tutol dito ang bata, mainam daw na ipaliwanag sa bata ang katuwiran sa likod ng desisyon sa halip na tuldukan ang usapan.

"Kapag hindi naiintindihan ng mga bata kung bakit ito 'yong desisyon, parang naiisip nila, 'Ah ayaw lang nila akong maging... masaya,'" paliwanag ni Ligon.

Maganda raw na nauunawaan ng bata na kaya ganoon ang desisyon ng magulang ay dahil din iyon sa kabutihan ng bata. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.