Gowns ng ilang sikat, ginaya sa mga manyika

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 12:29 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling binuhay ng isang tagahanga ang mga hindi malilimutang sandali ng ilang artista sa bansa gamit ang mga manyika.

Libangan ng 24 anyos na si Alvin Ocampo ang magtahi ng mga damit para sa kaniyang mga manyika. 

Pero ang kaniyang mga likha ay hango sa mga damit na minsan ay sinuot ng mga sikat.

Kabilang dito ang winning blue gown ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, ang Michael Cinco gown ni Miss Universe 2016 Iris Mittenaere, at debut gowns nina Kathryn Bernardo at Kisses Delavin.

Nagtatrabaho si Ocampo sa construction company ng kaniyang pamilya.

Kuwento niya, matagal niyang inilihim ang kaniyang hilig sa mga manyika.

Sa katunayan ay 17 anyos pa lang siya ay patago na siyang nagtatahi ng mga damit ng mga manyika sa kaniyang kuwarto.

"Feeling ko parang ang awkward-awkward kasi... lalaki ako tapos may dolls ako sa kuwarto," kuwento ni Ocampo.

Pumatok din sa social media ang mga doll design ni Ocampo.

"Siyempre nandoon na rin 'yong support ng family since nalaman nilang usap-usapan ako in social media," kuwento ni Ocampo.

"Ang daming nagme-message [kung] puwede ba [sila] magpagawa," aniya.

Naipakita na sa ilang artista tulad ni Enchong Dee ang kaniyang mga manyika.

Mismong si Mittenaere ay ni-like ang retrato sa social media ng manikang bersiyon niya na ginawa ni Ocampo.

Inaabot ng isa hanggang tatlong buwan ang bawat likha ni Ocampo.

Mabusisi ang bawat detalye ng beadwork at maging ang hairstyle ay kinokopya niya para sa manyika.

Bukod kasi sa pagiging tagahanga ng mga artista, hanga rin si Ocampo sa mga tanyag na designers gaya nina Michael Cinco, Albert Andrada, at Francis Libiran.

Ayon kay Ocampo, tinuruan lang niya ang sarili na magtahi dahil hilig niya ang fashion at design.

"Huwag kang mahiya na ipakita sa lahat kung ano talaga 'yong gusto mo. Doon mo mafi-feel 'yong success," sabi ni Ocampo.

Kung ngayon ay manyika ang binibihisan, nais ni Ocampo na balang araw ay gawan din ng mga kasuotan ang mga tinitingalang bituin.

-- Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.