Batangas lomi patok sa mga Italyano sa Milan

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Feb 20 2019 06:53 PM

MILAN, Italy - Land of pizza and pasta kung tawagin ang Italy. Pero sa isang resto-bar dito, dinarayo ng mga Italyano at mga Pinoy ang house special na Batangas lomi. 

Kakaiba ang lomi sa nakagisnang spaghetti ng mga Italyano. May iba't ibang sahog ito kabilang ang kikiam, chicharon, itlog, atay ng baboy at meatballs na bago sa panlasa ng mga Italyano. 

“Gustong-gusto nila sa amin 'yung lomi. ‘Yun ang dinadayo nila sa amin ngayon dahil kakaiba daw talaga 'yung lasa,” ani Michelle Moro, isa sa mga may-ari ng Drinkasi.

Tubong Batangas si Moro. Kasama niya ang asawang Italyano na si Christian Carbone sa pagtatayo ng negosyo. Nag-iisa at kauna-unahang Filipino resto-bar ang Drinkasi sa hilera ng mga restoran na matatagpuan sa Navigli area, ang kilalang night life district ng Milan.

Ayon kay Moro, hindi naging madali na ipakilala sa mga Italian ang lomi at iba pang pagkaing Pinoy gaya ng pansit, lumpia at adobo.

Kinailangan niyang ipaliwanag ang mga sangkap na ginamit upang maintindihan ng mga Italian customers kung ano ang kaniyang inihahanda. 

“Passa parola” o word of mouth ang nakatulong upang unti-unti ay tangkilin ng mga Italian ang kanilang pagkain. 

Sikat ang streetfood na kwek-kwek at bentang-benta din ang cocktail drinks with a twist gaya ng Bentilador, Kabet at Pagsisid. May kaniya-kaniyang hugot lines sa bawat cocktail. Konsepto ni Moro ang pagbibigay ng Pinoy names sa kanilang original cocktail mixes. 

“Kasi tayong mga Pinoy mahilig tayo sa hugot ‘di ba? Kaya naisip ko na sige, bakit hindi na lang ako gumawa ng drink list, hugot drinks para naman kakaiba siya. Kaya ‘yun yung dinadayo ng mga Pinoy dahil nga usong-uso sa atin,” paliwanag ni Moro.

Watch more in iWantTFC

Agaw-pansin din ang kanilang Italian staff na marunong mag-Tagalog. Sa entrance pa lamang ng restobar ay masigla ang pagbati nito sa bawat Pinoy. Masaya ang Italian waiter na ibahagi ang Pinoy food sa mga kapwa Italian dahil siya mismo ay mahilig dito.

Tinupad ni Moro, kasama ang kapatid na head chef sa restobar, ang pangarap ng kanilang ina na magpatayo ng restaurant. 

Bago maitayo ang Drinkasi ay mahigit isang dekada ang naging experience ni Moro at kaniyang asawa sa food and beverage industry. Sipag at lakas ng loob din ang naging puhunan nila upang masimulan ang negosyo. 

“Siguro tiyaga at huwag matakot na gamitin 'yung kaalaman at 'yung pangarap huwag isuko,” ani Moro.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.