Hidden Garden sa Maynila, binuksan na sa publiko

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2021 12:16 AM

Watch more in iWantTFC
Binuksan na sa publiko ang “Hidden Garden”, isang bagong parke sa Maynila. Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

MAYNILA—Binuksan na sa publiko ang Hidden Garden, isang bagong parke na matatagpuan sa tapat ng Liwasang Bonifacio sa lungsod na ito.

Pinasinayaan ito ngayong Martes ni Mayor Isko Moreno at Vice-Mayor Honey Lacuna.

Dating tambakan ng mga sirang sasakyan at gamit ng lokal na pamahalaan ang lugar. Naging tahanan din ito ng mga street dweller sa loob ng maraming taon.

Ngayon, iba’t ibang klaseng halaman at bulaklak ang matatagpuan sa parke. Mayroon din itong coffee shop na Hidden Garden Café, kung saan puwede magpahinga at kumain ang mga dadayo sa lugar.

Tanaw mula sa Hidden Garden ang Metropolitan Theater, city hall, at post office. Lalakarin lamang din mula sa parke ang Binondo.

Ayon kay Moreno, binuhay ang parke upang madagdagan ang mga open space na lugar na maaaring puntahan ng mga residente.

Mas ligtas kasi umano ang open spaces o mga bukas at mahangin na lugar lalo na ngayong may pandemya.

Nakiusap naman si Moreno sa mga magtutungo sa bagong parke na panatilihin itong malinis.

“Sana dumating silang malinis, nadatnan nilang malinis, pag-alis nila pilitin naman nilang naging responsableng indibidwal," aniya.

Samantala, bukas na rin sa mga turista ang Fort Santiago at ilan pang museo sa Intramuros. 

Pasisinayaan na rin ang historical marker sa execution site ng mga paring sina Mariano Gómez, José Burgos, at Jacinto Zamora o Gomburza sa Burgos Street.

Pinaalalahanan naman ni Moreno ang mga residente at turista na mahigpit na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.