PANOORIN: Hotdog vendor isinabit sa katawan ang lutuan

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 01:17 PM | Updated as of Feb 17 2020 01:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Agaw-pansin sa Makati ang isang tindero na isinabit sa kaniyang katawan ang ihawan ng hotdog na ibinebenta niya.

Nakilala ng programang “Rated K” ang tindero bilang si John Paul “JP” Dalisay, na masugid na inilalako ang kaniyang mga hotdog sandwich sa may Nicanor Garcia Street sa Barangay Bel-Air.

Kakaiba si Dalisay dahil nakasabit sa kaniyang katawan ang ihawan, at nakalagay din doon ang iba pang gamit sa paggawa ng sandwich gaya ng tinapay at mga bote na naglalaman ng ketchup, mayonnaise, at hot sauce.

Kinakaya ni Dalisay ang pagbitbit sa mobile hotdog griller na may bigat na 10 kilo para makatulong sa kaniyang pamilya.

“Gusto ko pong tumulong sa family ko po, sa mga kailangan po sa’min,” ani Dalisay sa panayam ng “Rated K.”

Nasa P39 ang presyo ng mga sandwich ni Dalisay. Minsan ay nakakatuwaan umano siya ng kostumer dahil sa kaniyang gimik kaya nabibigyan siya ng tip.

Kumuha noon ng kursong criminology si Dalisay at gustong mag-pulis pero napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil sa kakapusan ng pera.

Nagtrabaho noon bilang helper sa printing company si Dalisay at naging promodizer din ng mga beauty product.

Hangad pa rin umano ni Dalisay na makapagtapos ng pag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.