Paano naging 'Chinatown' ang Binondo, Maynila?

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 07:26 PM | Updated as of Aug 28 2019 01:03 PM

Watch more in iWantTFC

Ngayong Chinese New Year, isa sa mga sikat na destinasyon ang Binondo, Maynila na tinagurian bilang pinakamatandang "Chinatown" sa mundo. 

Ngunit paano nga ba naging Chinatown ang Binondo? Ipinaliwanag ng historyador na si Michael Charleston "Xiao" Chua ang kasaysayan ng nasabing lugar sa programang "Good Vibes" nitong Biyernes.

"Ang nangyari diyan, may mga Chinese na nagte-trade sa 'tin, hundreds of years, thousands of years back," paliwanag ng historyador.

"N'ung nag-Galleon Trade kasi, di ba, nagte-trade tayo with China, 'yung mga Kastila, gusto nilang kunin 'yung trade with China talaga para yumaman sila...tapos n'ung nagkaroon ng Galleon Trade, mas lalong dumami 'yung Chinese na pumunta dito sa Pilipinas," ani Chua. 

Tinawag umano ang mga negosyanteng Intsik na "sangley," na ang ibig sabihin ay "frequent visitor," ayon kay Chua.

Una umanong nanirahan ang mga Intsik sa Parian, na ngayon ay Liwasang Bonifacio.

Ngunit nang ipalaganap ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa bansa, inilipat umano ang mga Katolikong Intsik sa Binondo.

"Di ba meron silang Christianization, so 'yung mga Katolikong Chinese ngayon, binigyan nila ng bagong area, kaya 1580s, du'n nila nilagay sa Binondo," ayon sa historyador.

"So you have to distinguish, may ethnic Chinese, nasa Parian, 'yung mga Christianized Chinese, nandu'n sila sa Binondo," ani Chua.

Dahil nadala ng mga negosyanteng Intsik ang kanilang yaman sa Binondo, naging sentro umano ito ng komersiyo sa bansa noong panahon ng mga Kastila.

"Ang Kastila lang supposedly ang mayaman sa Pilipinas, pero dahil kasama sila sa Galleon Trade, pati sila nakikinabang," sinabi ng historyador patungkol sa mga sinaunang Chinese.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.