PatrolPH

Nagsimulang text mates: Lolo at lola, nagpakasal ngayong Valentine's Day

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2023 04:43 PM

Dennis Datu, ABS-CBN News
Walang pinipili ang edad kapag nakaramdaman na ng pag-ibig, ayon sa matandang nagpakasal ngayong Valentine's. Dennis Datu, ABS-CBN News

Walang pinipili ang edad kapag nakaramdam na ng pag-ibig.

Ito ang pinatunayan ng 68 taong gulang na si Armando Ramos ng Barangay Paetan sa bayan ng Sablayan sa Occidental Mindoro.

Ngayong araw ng mga puso, ikinasal si Ramos kay Marilou Castañeda, 69 na taon gulang na noong 2015 pa nabiyuda.

Kabilang sila sa 105 pares na ikinasal ni Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez sa mass wedding ngayong Valentine's Day.

Kwento ni Tatay Armando hindi niya akalain na sa kaniyang edad ay makakatagpo pa siya ng makakasama sa buhay.

Dahil umano sa pagiging abala sa trabaho sa bukid ay tila nakalimutan na niyang umibig at humanap ng magiging asawa.

Pero dumating ang panahon na naghanap siya ng pamilya, kaya noong 2020 ay nagtanong siya sa kaniyang kaibigan kung sino ang puwedeng ligawan.

Ang ibinigay ng kaniyang kaibigan ay ang cellphone number ni Nanay Marilou na taga Trece Martirez City sa Cavite.

Mula noon ay naging text mates na ang dalawa at palagi na ring magkatawagan.

Nang magkasundong magkita, sabi ni Tatay Armando, nagandahan agad siya kay Nanay Marilou at agad na iba ang naramdaman ng kaniyang puso.

Tumagal pa ng ilang taon ang panliligaw ni Tatay Armando. Matapos ang isang taong relasyon, nagdesisyon na silang magpakasal.

Sabi ni Tatay Armando, masayang masaya siya na may kasama na siya sa buhay kahit parehas na silang matanda.

May tatlong anak naman si Nanay Marilou na hindi umano tumutol sa kanilang pagmahahalan.

Dahil sa labis na pagmamahal ni Nanay Marilou, ibinenta pa umano niya ang kaniyang bahay sa Cavite para makauwi sa Sablayan ,Occidental Mindoro at makapagpakasal kay Tatay Armando.

“Mahal ko siya habang buhay” sabi ni Tatay Armando.

Samantala sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro, 49 na pares din ang ikinasal sa isinagawang kasalang bayan ni Mayor Henry Joel Teves. Tatlumpu't walon sa mga pares ay mga katutubong Mangyan.

Taon-taon ginagawa ang kasalang bayan sa Naujan tuwing araw ng mga puso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.