'Para makatipid': Luneta dinumog ng mga nagdiriwang ng Valentine's Day

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2020 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Para makatipid, dagsa sa mga parke ang mga taong nais magdiwang ng Valentine’s Day kasama ang mga mahal sa buhay.

Hindi natinag ng banta ng bagong coronavirus ang pagdagsa ng mga tao sa Rizal Park – kung saan kinakailangang mag-hand sanitizer ang mga namamasyal.

Kani-kaniyang diskarte ang mga namamasyal, gaya ng isang lalaking nagpa-henna tattoo kasama ang kasintahan.

"Susi ang design sa kanya naman padlock kasi siya ang nakapagbukas muli ng puso ko," ayon sa lalaki.

Naroon ang Pinay na si Elizabeth at ang Swedish fiancé.

“I decided to take her here it’s lovely here,” ayon sa fiancé.

May iba namang piniling mag-picture sa iba’t ibang gimik sa parke ngayong Araw ng mga Puso.

Libre rin ang Valentine’s events sa parke at pagkain at inumin lang ang gastusin ng ilan kaya buong pamilya naman ang kanilang dala.
May “Love Wall” sa parke para maglagay ng mga mensahe.

Bukod sa mga magsing-irog, naroon din ang mga bisitang single na nagsasalo-salo sa bananacue.

Nakasuwerte pa ang isang nanay ng libreng washing machine, na handog ng YouTube personality na si Mimiyuuuh habang dumaraan sa parke.

May payo rin ang vlogger sa mga single ngayong Valentine’s

"Huwag nang pansinin muna ang jowa jowa na yan... Mag-ipon muna kayo," aniya.

Magdaraos din ng libreng concert sa Rizal Park na inaasahang magtatagal hanggang gabi.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.