Kuwentong pag-ibig: Mag-BFF na bading at babae, nagkatuluyan

Eastine Charles Taneo, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 01:28 PM

OPOL, Misamis Oriental -- High school pa lang ay mag-partner na sa pagsasayaw si Art Dan at Mary Jane Diate.

Dahil magkapitbahay lang naman sila sa Opol, naging magkababata at matalik silang magkaibigan.

Sa murang edad pa lamang ay halata nang bakla si Art Dan dahil sa mga kilos nito. Kaya hindi makapaniwala si Mary Jane na mahuhulog ang kaniyang loob sa best friend.

"Noon, pinagsasabihan ako ng mama ko na, sige panay ang sama ninyong dalawa, magkakatuluyan talaga kayo n’yan. Tapos ang sagot ko naman, hindi a, ‘di ko siya gusto kasi bakla siya tapos pangit pa," sabi ni Mary Jane.

Pero hindi natinag ang kanilang pagkakaibigan lalo na’t suportado ni Art Dan si Mary Jane.

Katunayan, si Art Dan pa ang nagmamake-up sa kaniya ng libre tuwing may dadaluhang okasyon sa pagsayaw.

Malaki rin ang impluwensya ni Art Dan sa pagpili ng boyfriend noon ni Mary Jane. Naka-limang boyfriend pa si Mary Jane, bago siya na-in love kay Art Dan.

"Tinanong niya ako kung may feelings ba daw ako sa kaniya. Tumawa ako kasi na-conscious ako sa isasagot ko para lang kasi kaming magkapatid. Pero sabi ko, meron kaunti, hanggang nong magtagal, na-develop na nga, magical talaga ang love," sabi ni Art Dan.

Naging opisyal na mag-on ang dalawa noong February 20, 2010. 

Tatlong taong inilihim ng dalawa ang kanilang relasyon sa kanilang mga kaibigan at mga magulang, lalo't hindi pabor kay Art Dan ang mga magulang ni Mary Jane.

Sinikap na rin ni Art Dan na magsuot ng damit-lalaki mula nang maging sila na ni Mary Jane.

"Siyempre nakakahiya, kaya nag-change outfit ako,” sabi ni Art Dan.

‘Di nagtagal, natanggap ng mga magulang ni Mary Jane ang relasyon niya kay Art Dan dahil sa pagpupursige nito.

At noong April 1, 2014, nagdesisyon ang dalawa na magpakasal.

"April 1 is April Fool’s Day, inimvite namin ang mga kaibigan namin para sa civil wedding namin, tapos wala ni isa sa kanilang dumalo, dahil hindi sila naniwala," sabi ni Art Dan.

Kaya ang mga magulang lang ng dalawa ang dumalo sa kanilang civil wedding.

Sa ngayon, may tatlong anak na si Mary Jane at Art Dan, at fraternal twins pa ang dalawa sa kanila.

Kasalukuyang nagtatrabaho sa Planning and Design Division sa Environmental Social Section sa Department of Public Works and Highways Region 10 si Art Dan, habang at isa namang private teacher si Mary Jane.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.