May pag-asa bang makahanap ng lovelife sa internet?

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 06:05 PM | Updated as of Sep 15 2018 10:09 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kasabay ng makabagong panahon at teknolohiya tulad ng internet, may pagkakataon na nga bang makahanap dito ng pag-ibig?

Sang-ayon dito si Lorna Van Koot, na nakilala ang kaniyang asawang si Henk Van Koot sa tulong ng social media. 

"Tumawag 'yung kaibigan ko sa akin, na-surprise ako na eto pala at 'pakikilala niya sa akin tapos ayun nag-usap kami for the first time," ani Lorna. 

Aminado ang dalawa na dahil sa gabi-gabing pag-uusap sa social media at maging sa telepono ay mas nakilala nila ang isa't isa.

Si Henk, inaming nagtiyaga upang mas makilala ang ngayo'y kaniya nang misis. 

"The time here [in the Philippines] is different from the Netherlands, maybe 7 hours-8 hours?" pag-alala ni Henk. 

Makalipas ang isang taon na pag-uusap online, nagpunta ng Pilipinas si Henk at niyayang magpakasal si Lorna.

"Nang sunduin ko sa airport sabi raw niya sa sarili niya ako ang gusto niyang pakasalan," kinikilig na kuwento ni Lorna. 

Sa ngayon, 12 taon nang nagsasama sina Henk at Lorna. 

"The internet helped," pag-amin ng ginang.

Ayon kay Velden Lim, isang manunulat at preacher, maraming Pinoy ang sumusubok humanap ng pag-ibig online.

"Parang feeling nila nauubusan sila ngayon ng opportunity to know more people so a lot of them are trying to go online para makakilala ng bago," obserbasyon ni Lim.

Pero babala ng Philippine National Police (PNP), dapat mag-ingat sa mga nakikilala online dahil baka mabiktima ng panloloko. 

"Kung sila makikipagrelasyon online, dapat sana makilatis o makilala nang personal. Dahil 'yung ino-offer ng internet is anonymity," ani Senior Inspector Artemio Cinco, Jr, chief investigator ng PNP Anti-Cybercrime Group.

--Ulat ni Rod Macenas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.