Larawan ni Karen De Guzman, ABS-CBN News
MAYNILA -- Triple ang saya ng mga kawani ng General Luna local government unit sa Quezon dahil “triple pay” ang handog ng kanilang mayor para sa mga no jowa since birth at higit limang taon nang single ngayong Valentine’s Day.
Taong 2021 pa nang magsimula ang programa na ito ni Mayor Matt Florido para sa mga loveless nilang empleyado.
Aniya, malaki ang pagpapahalaga nila sa mga single government workers na ibinubuhos ang oras para sa pagseserbisyo.
Itinapat rin aniya ang pagbibigay ng insentibo sa mismong Araw ng mga Puso dahil karaniwan sa nakakatanggap lang ng regalo ay 'yung mga may karelasyon.
Manggagaling naman sa personal na pera ni Florido ang benepisyo at hindi kukunin sa pondo ng lokal na pamahalaan.
"Napakataas po ng pagpapahalaga natin sa mga single employees dahil sa maraming pagkakataon ay talagang palagian natin silang naaasahan. So naisip natin na sila ay bigyan ng kasiyahan, bigyan ng additional incentives nang sa ganun ay pwede nilang maigugol ang Valentine’s Day sa pakikipag-date sa kanilang magulang, kaibigan, kapatid, kabarkada," ani Florido.
"Ang feeling ko nung wala akong girlfriend since birth ay wala akong isipin, walang problema. Ang masasabi ko po sa triple pay ay maraming salamat po. 'Yan po ay malaking tulong sa akin," ani ng empleyadong si Adrian Dique.
"Hindi ko naman masyadong prioritize pa ang pagla-love life kaya po siguro wala pa akong girlfriend. Siyempre po masaya po dahil may dagdag na income at may panlibre din po sa mga co-workers ko po," dagdag ni Lloyd Allen Angeles.
Ang mga kwalipikadong empleyado ay maaaring mag-sumite ng kanilang application sa Mayor’s Office o sa HRMO para sa nasabing benepisyo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.