PatrolPH

Pagkasawi sa pag-ibig maaari bang mauwi sa atake sa puso?

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 07:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagbabala ang isang cardiologist na ang mga taong brokenhearted ay may tsansang magkasakit sa puso na tila ba atake sa puso, sa kondisyong tinatawag na "broken heart syndrome" o takotsubo cardiomyopathy.

"Very rare siya pero common na nangyayari sa mga taong may pinagdadaanan na mabigat. Let’s say mga namatayan o iniwan," paliwanag ng cardiologist na si Jeffrey de Jesus sa programang “Good Vibes” ng DZMM.

Kapag na-stress kasi ang isang tao, dumarami ang produksiyon ng adrenaline sa kaniyang katawan, na nakapipinsala naman sa puso, ayon kay De Jesus.

Ang adrenaline ay isa umanong hormone na inilalabas bilang tugon sa stress.

Karaniwan umanong nakararanas ng broken heart syndrome ang mga babaeng dumaan na sa menopause o may edad 50 pataas.

Ang pagkakaiba ng broken heart syndrome sa ordinaryong heart attack ay hindi siya dulot ng mga pagbara sa mga artery, ayon kay De Jesus. Biglaan lang din umano itong nangyayari.

"Iyong mga talagang nag-heart attack, nagbabara 'yong mga ugat nila... Pero kapag broken heart syndrome, ito 'yong mga pasyenteng wala talagang risk factor," aniya.

Bihira rin daw na mamatay ang isang taong inaatake ng broken heart syndrome.

"Hindi siya fatal. Kadalasan mayroon diyan, ilang porsiyento, nagiging critical pero lahat sila nakaka-survive," ani De Jesus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.