Malaking problema sa anumang relasyon ang "pamamangka sa dalawang ilog." Pero ano nga ba ang nagtutulak sa isang tao para maghanap ng iba, gayong kasal na siya?
Ayon sa survey ng Ashley Madison, isang website na laan para sa mga nangangalunyang asawa, 61 porsiyento ng kanilang mga miyembro ang nagsabing pagtatalik ang pangunahing dahilan ng kanilang paghahanap ng iba.
Pero hindi lang pagniniig ang dahilan sa pangangaliwa, dahil ayon sa survey, 44 percent ang naghahanap ng tunay na pagtingin mula sa kanilang "number two."
Sinabi naman ng 42 percent na naghahanap din sila ng pagkakaibigan sa labas ng kanilang relasyon sa asawa.
Kahit naman naghahanap ng iba, marami sa respondents ang nagsabing hindi nila iiwan ang kanilang asawa.
Base sa survey, 54 percent ang naghahanap lang ng short-term dating o hindi pangmatagalang karelasyon.
Sabi rin ng 50 percent sa mga na-survey, nangangaliwa na lang sila para makahanap ng "sexual fulfillment" kaysa iwanan ang kanilang asawang mahal naman daw nila.
Sa isang dating panayam, sinabi ng relationship expert na si Maribel Dionisio na maaaring dahilan ng pangangalunya ang peer pressure o impluwensiya ng mga kaibigan, insecurity, isyu sa pagtitiwala, kakulangan ng komunikasyon sa asawa, at pagiging sobrang hilig sa pagtatalik.
Maaari rin daw mamana sa mga magulang ang pagiging salawahan.
Dagdag pa ni Dionisio, puwedeng tumaas ang tsansa ng pangangaliwa sa relasyong mahina ang pundasyon sa simula pa lamang.
Sa isang pag-aaral din sa Amerika noong 2010, lumalabas na mas mataas ang tsansang mangaliwa ang lalaking sumasahod nang mas mababa sa kaniyang karelasyon.
Kabaligtaran ito sa mga babaeng mas tumataas ang tsansang maging salawahan kung sila ang breadwinner sa pamilya o mas malaki ang sinasahod sa partner.
SENYALES NG PANGANGALIWA
Mayroong senyales ng pangangaliwa, ayon sa isang relationship coach.
Magtaka na raw kung tila napapadalas na kasama ng asawa ang isang madalas niyang tawaging kaibigan lang.
Maaaring sabihin din ng asawa na malapit siya sa naturang kaibigan dahil naiiintindihan nito ang mga pinagdadaanan niya halimbawa sa trabaho.
Magduda na rin kung biglang laging gustong mapag-isa ng asawa lalo na kung may kakausapin sa telepono.
Maaari ring biglang magbago ang schedule tulad ng oras ng pagtatrabaho ng isang nangangaliwang asawa.
TIPS VS. PANGANGALIWA
Sa isang dating panayam, sinabi ng psychiatrist na si Dr. Randy Dellosa na puwedeng maiwasan ang pangangaliwa kung mas mapaiigting ang komunikasyon ng mag-asawa ukol sa kanilang nararamdaman.
Sinabi rin ni Dellosa sa isang panayam sa DZMM kamakailan na may iba't ibang paraang upang iparamdam sa partner ang pagmamahal.
"Of course, very important 'yong love language dahil isang factor 'yon sa pagpapatibay ng relationship," ani Dellosa.
Dati ring nagbigay ng tips ang feng shui master na si Hanz Cua pangontra sa pangangaliwa.
Isa sa mga ipinayo niya ay ang pag-iwas ng mag-asawa na matulog sa sahig ng basement.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Valentine's, Valentine's Day, tips, relationships, pangangaliwa, infidelity, cheating, survey, pag-aaral