PatrolPH

'Pintanaga': Mga ipinintang tanaga, tampok sa exhibit

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2023 08:44 AM | Updated as of Feb 12 2023 09:39 AM

Sentro Artista
Sentro Artista

Tampok ngayon sa isang art hub sa Katipunan Avenue sa Quezon City ang exhibit ng obra ng ilang mga pintor at manunulat ng tanaga sa bansa.

Ang tanaga ang isang uri ng maikling tula na may apat na linya at pitong pantig sa bawat linya.

Tinatawag na visual poetry, isa itong uri ng sining kung saan pinagsama sa isang obra ang tanaga at pinta ng isang manunulat at pintor.

Nasa dalawapu't isang tanaga ang nilapatan ng biswal na obra ng dalawapu't isang pintor.

Ayon kay Marj Ruiz, ang direktor ng Sentro Artista Art Hub, kolaborasyon ito ng mga manunulat ng tanaga at visual artist na tinaguriang "Pintanaga: Linya-Linya ng Pagsinta."

Sentro Artista
Sentro Artista

Ang grupong Visual Poetry of the Philipines, Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), at Sentro Artista ang bumuo ng exhibit.

Ayon kay Yelcast, may nasa mahigit limampung mga visual artists pa lang sa bansa.

Ang exhibit na ito ang pinakaunang exibit ng kolaborasyon ng mga makata at visual artist.

“Sinabi namin ini-immortalize ng mga pintor 'yung tanaga na ginawa ng mga taga-LIRA," ayon sa visual artist na si Yelcast.

Taong 2009 nang simulan ang ganitong klase ng sining sa bansa, dagdag pa ni Yelcast.

Bukod sa exhibit, ginawan na rin ng libro ang mga obrang ito.

Nitong Sabado ng hapon, inilunsad ang aklat.

Sentro Artista
Sentro Artista

"Inilathala namin ito sa isang libro upang magkaroon ang mga Pilipino ng kaalaman tungkol sa tradisyon," ani Ruiz.

Si Dr. Joey Tabula ang editor ng aklat. Aniya: "You have the poem on the right side and the visual poem on the left side. 

"Usually, hindi tayo nakakakita ng ganitong art work na 'yung mismong poem nanduduon sa painting. Usually, merong tula tapos gagawan ng painting pero wala mismo 'yung text doon sa painting. But here, nilagay mismo 'yung tula sa artwork."

Isa sa mga dumalo sa book launching ang Chief Operating Officer for Broadcast ng ABS-CBN na si Cory Vidanes.

Magtatagal ang exhibit hanggang ika-14 ng Pebrero. Binebenta ang mga obra habang ang iba ay naka-auction.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.