Shamcey Supsup, LJ Moreno nagbahagi ng tips para sa pagsisimula ng negosyo

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 08:41 PM

MANILA - Nagbahagi ng ilang mga tips sina Shamcey Supsup at LJ Moreno para sa mga nagnanais magsimula ng negosyo.

Ayon kay Supsup, mahalagang maging kampante sa negosyong nais simulan.

"Dapat confident kayo sa negosyo niyo. Dapat may lakas ng loob kasi it's a risk talaga. Kumbaga, marami sa atin, may mga ideas sa negosyo pero ayaw nating simulan dahil takot tayong mag-fail. So hindi mo malalaman kung magiging okay siya kung hindi ka magsa-start so kailangan simulan mo na," aniya.

"Kung may naisip ka, gawin mo na agad, 'wag mo nang hintayin na, ay 'pag may pera na ako, 'pag may oras na ako. Hindi, dapat gawin mo na siya ngayon. Now na," dagdag pa ni Supsup na may-ari ng kainan na Pedro 'N Coi.

Ayon naman kay Moreno, piliin ang produkto o negosyong magpapasaya sa iyo.

"It should be something na gusto mo. Something that you love, something that you're passionate about para at least, nag-eenjoy ka sa ginagawa mo," ani Moreno na may-ari ng bakeshop na The Lollicake Factory.

Mahalaga rin umanong hindi mawalan ng pag-asa kung sakaling hindi agad maging matagumpay ang isang produkto.

"You should keep trying kasi minsan 'yung akala mo na hindi mabenta, 'yun pa 'yung mabebenta," ani Moreno.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon naman kay Arlene Martinez, isang business mentor mula GoNegosyo, mahalagang mayroong tamang mindset ang isang entrepreneur o negosyante.

"Actually ang start ng pagnenegosyo, nasa mindsetting. 'Pag tinawag kang entrepreneur o negosyante, ang ibig sabihin noon, 'yung mindset mo, is willing to take the risk," aniya.

Payo rin niya sa mga may negosyo, importanteng matugunan ang pangangailangan ng mga kliyente dahil ito ang magiging daan para maging loyal siya sa isang produkto o negosyo.

"'Pag galit ang customer, it's the best way to make them loyal to you kasi kapag naibigay niyo sa kaniya nang maayos 'yung kailangan niya, most probably, ang chances niyan, bumabalik, nagiging repeat customer mo siya," ani Martinez.

Watch more in iWant or TFC.tv