Binatilyong estudyante, nag-florist para makatulong sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2019 02:17 PM | Updated as of Feb 14 2019 08:41 PM

 

Hangad lamang ng 13 anyos na si Nico John Lagando na makatulong sa hanapbuhay nilang mag-anak kaya pinagsasabay niya ang pagiging estudyante sa pagiging florist sa Dangwa flower market sa Sampaloc, Maynila.

Kilala si Nico bilang isa sa mga pinakabatang florist sa Dangwa. Sa katunayan, 10 taon pa lang siya nang matutong mag-alaga, mag-ayos at magbenta ng mga bulaklak.

"Ten years old pa lang ako, inaral ko na po ang paggawa ng flower bouquets para makatulong sa aking pamilya," kuwento ni Nico.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero hindi lang edad ang dahilan kung bakit marami ang humahanga kay Nico kundi pati na rin ang kaniyang pagiging madiskarte at maalaga sa mga kostumer.

"Kahit hindi mo siya turuan, marunong siyang dumiskarte sa bulaklak," anang ina ni Nico na si Remie.

"Compared sa iba, siya 'yong maasikaso, so sa kaniya na kami," sabi naman ni Josephine De Lucia, isa sa mga suki sa puwesto ng pamilya ni Nico sa Dangwa.

Ayon pa kay De Lucia, subok na rin niya ang serbisyo ng mga Lagando.

"Several times nag-order ako sa kanila last minute, as in I neded the flowers the next day," kuwento ni De Lucia.

"Gabi na 'yon ha. Next morning nandiyan na 'yong flowers sa amin."

Inamin din ng ama ni Nico na si Nioandro na malaki ang naitulong ng anak sa kanilang hanapbuhay.

"Imbes na gagawin namin ('yong mga order) ng mga dalawang oras, isang oras lang," ani Nioandro.

Pero tiniyak naman ni Nico na hindi niya napapabayan ang kaniyang pag-aaral.

Pagkagaling sa eskuwela, deretso si Nico sa kanilang puwesto sa Dangwa at gagawa muna ng mga takdang-aralin bago sumabak sa pagiging florist.

"Mahirap po kasi 'yong walang pinag-aralan eh," ani Nico.

"Kung gusto mo pong tumulong para umasenso kayo, tutulong ka po kasi di naman po para sa 'yo lang 'yon,' dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.