ALAMIN: Homemade pampaputi gamit ang Vitamin C

ABS-CBN News

Posted at Feb 12 2018 07:10 PM | Updated as of Sep 10 2018 07:15 PM

Hindi lang pala iniinom ang Vitamin C tablets, maaari rin itong maging sangkap ng pamahid na makapagpapaputi ng balat.

Sa panayam ng programang "Ma-Beauty Po Naman" ni Cory Quirino sa DZMM, ibinahagi ni Dr. Manuel Ma, medical director ng isang klinika, ang aniya'y mas murang paraan para kuminis ang kutis.

"Halos lahat ng function ng katawan, from head to toe, mayroong involved ang Vitamin C," ani Ma. "Very important 'to to maintain good body health and to maintain good skin."

Una, kailangang durugin muna ang mga tableta ng Vitamin C hanggang sa makapuno ng isang kutsarita.

Sunod ay kakanawin ang durog na Vitamin C sa hanggang tatlong kutsara ng tubig.

"Haluin niyong mabuti, tapos kung may glycerine kayo... marami sa botika, kung wala naman 'yan, nandiyan ang virgin coconut oil... So haluin natin na parang magiging lotion, puwede mong pamahid 'yan, pampaputi. Napakamura no'n, hindi mo kailangan ng napakamahal na sabon o lotion," paliwanag ni Ma. 

"Nakakalambot din siya [ng balat] dahil sa virgin coconut oil, may exfoliating property din ang Vitamin C."

Payo rin ng doktor, hinay-hinayin ang pagpapahid ng dinurog na Vitamin C. Puwedeng subukan muna ito sa bahagi ng katawan tulad ng siko para malaman kung tama ang naging timpla.

"Kailangan subukan mo ito, pakaunti-kaunti lang, mag-eksperimento ka, kung masyadong maasim or kumakagat [sa balat] kasi acidic ang nature niyan, dagdagan mo ng tubig. Tubig dapat para ma-neutralize 'yan," sabi ni Ma. "Kapag maganda ang reaksiyon niyo, hindi namula, hindi mahapdi, tama na ang timpla na 'yon."

Kung walang tableta ng Vitamin C, puwede rin namang calamansi o iba pang acidic na prutas ang gamitin.

Mainam na ipahid ang homemade na pampaputi sa mga parte ng katawan na may dark spots o kaya' pekas.

Puwede itong gamitin dalawang beses kada araw, bago matulog o kaya'y matapos maligo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.