Sunflower farm sa Vigan City, dinarayo

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 05:02 PM | Updated as of Feb 11 2020 05:29 PM

Paboritong destinasyon din ng mga turistang bumibisita sa Vigan City ang sunflower farm ni Bobby Galolo sa Barangay Bulala. Larawan mula kay Marvin Agustin

VIGAN CITY -- Dinarayo ngayon ang sunflower farm ng magsasakang si Bobby Galolo sa Vigan City. 

Tinaniman niya ng mga sunflower ang likurang bahagi ng kanilang bahay dahil paborito umano ito ng kaniyang asawa.

Nag-umpisa siya sa 100 sunflower. Nang may magsimulang bumisita, unti-unti na niya itong pinarami.

“Kinukuha 'yung mga buto tapos itinanim na namin ulit,” ayon kay Galolo.

Halos buong taon ay may sunflower dito dahil pinarte-parte nila ang farm at may natatamnan na bahagi kada isa o dalawang buwan para hindi maubos ang mga bibisitahing mga bulaklak.

“Magkakasunod lang para 'pag mag-collapse na 'yung iba, may kasunod kaya ganyan 'yung klase ng sunflower namin. Hindi namin tinatamnan agad lahat nang bigla,” dagdag niya. 

Maganda at murang pasyalan ang naturang farm para sa Araw ng mga Puso dahil P10 lamang ang entrance dito. Pwede ring makabili ng bulaklak sa halagang P75.

May mga suki na rin ang farm na talagang bumabalik para masilayan ang ganda ng mga sunflower.

Matatagpuan sa Barangay Bulala ang sunflower farm na pitong minuto lamang mula sa sentro ng Vigan City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.