Kalilangan Festival sa General Santos City, kinansela dahil sa ng banta ng 2019-nCoV

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 06:56 PM | Updated as of Feb 11 2020 08:50 PM

GENERAL SANTOS CITY - Kinansela ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang lahat ng aktibidad para sa selebrasyon ng Kalilangan Festival.

Ito ay matapos maglabas ng health advisory ang Department of Health (DOH) kung saan pinapayuhan ang publiko na umiwas sa mga pampublikong gawain para makaiwas sa banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD).

Nakatakda sana ang soft opening ng festival sa Pebrero 14 ngunit hindi na ito matutuloy.

 

Ayon kay Vice Mayor Loreto Acharon, kailangang sumunod ang lokal na pamahalaan sa utos ng DOH.

"Kung talagang 'yan ay pwedeng makuha in close contact with those infected, pwede rin tayong magkaroon ng ganyan dito sa GenSan. The Kalilangan Festival is very important pero 'yung ating health kasi is of paramount importance," aniya.

Ilang mga negosyante sa flea market ang namomroblema ngayon dahil sa kanselasyon ng pagdiriwang. Malaki na rin umano ang kanilang ipinuhunan sa kanilang mga puwesto.

Pero tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na hindi nila pababayaan ang mga negosyanteng nakapuwesto sa Oval Plaza.

Sa kabila ng kanselasyon ng mga aktibidad, tuloy pa rin ang wreath-laying ceremony sa monumento ni General Paulino Santos sa Plaza Heneral Santos sa Pebrero 27 para sa pagdiriwang ng 81st Foundation Anniversary ng lungsod.