Masturbation, pangontra nga ba sa prostate cancer?

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 04:01 PM | Updated as of Sep 07 2018 10:46 AM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Binigyang linaw sa programang "Private Nights" sa DZMM ang tanong kung magdudulot nga ba ng malalang karamdaman sa ari ng lalaki kapag hindi siya nagma-masturbate.

"Nakakatulong po ba ang masturbation sa matatandang binata... upang hindi magkaroon ng prostate cancer?" tanong ng isang texter na nagpakilalang si Mark.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Lulu Marquez ang nangyayari sa prostate kapag hindi nagma-masturbate ang isang lalaki.

"May mga nag-aral po niyan, yes mayroon pong nakakatulong din po [masturbation], pero hindi ko po sinasabi na [kung hindi gagawin ay magkakaroon ng] cancer of the prostate."

Dagdag ni Marquez, may medikal na tawag sa tila paglaki ng prostate na hindi dulot ng cancer.

"Kapag tumanda, iyon pong 'prostata' ay nangangapal. So it's called benign, so hindi siya cancerous [or] malignant, benign prostatic hypertrophy," ani Marquez. "Ngayon kapag 'yan po ay nangangapal, hindi po nakakalabas nang mabuti ang 'wiwi' [urine], at the same time, hindi rin po nakakalabas ang seminal fluid."

Ayon kay Marquez, apektado ang pag-ihi ng lalaki at pati ang paglabas ng semilya dahil iisa lang ang lagusan nito sa ari ng lalaki.

Pero agad din namang nagpayo ang doktor ukol sa masturbation.

"Importante po is regularity and moderation. Huwag mo namang sinasabi na araw-araw ka na lang maggaganiyan [masturbation]," sabi ni Marquez. "Puwedeng three times a week, why not?"

"When you do masturbation... it has to be in the privacy of your room. Hindi 'yong basta-basta kung saan-saan ka lang naggaganiyan. Kasi [kung ginagawa ito kung saan-saan], mayroon ka nang sexual deviation, abnormal ka."

Bukod sa masturbation, puwede ring makipagtalik sa asawa.

Sinagot din ni Marquez ang tanong ng texter kung masama sa kalusugan ang palaging pakikipagtalik sa asawa.

"Kung araw-araw nagme-make love, nakakasama? Hindi naman po. Kaya lang, baka ang partner ang magka-problem. Kung gusto niya, why not?" tugon ni Marquez.

Pinawi rin ng doktor ang pangamba o haka-haka ng ibang lalaki na baka maubusan ng semilya kung aaraw-arawin ang pakikipagtalik sa misis.

"Kung every day kang nagkakaroon ng ejaculation, ok lang po 'yan kasi lagi lang naman po tuloy-tuloy ang manufacture ng seminal fluid at ng sperm cells."

Pinayuhan naman ni Marquez ang mga gumagamit o umiinom ng supplements para mas mapaigting ang karanasan sa pakikipagtalik.

"Male enhancers... make sure that you are hydrated ng tubig, hindi ng alak," ani Marquez. "When you drink any enhancers, drink lots of water before and after."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.