Aloe vera, oatmeal at iba pang pangontra sa nanunuyong balat

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 01:00 PM

Naghahanap ka ba ng mabisa at abot-kayang pangontra sa panunuyo ng balat?

Sa programang “Salamat Dok,” ibinahagi ng alternative medicine practitioner na si Dr. Susan Balingit ang ilang bagay na maaaring makapagbigay ng kaaya-ayang kutis na nakukuha sa mga halaman at mga pagkain.

Watch more in iWant or TFC.tv

Una na rito ang katas ng halamang Aloe Vera o sabila, na mayaman sa Vitamin C, Vitamin E, at betacarotene na nagpapalambot umano sa balat.

Hiwain ang dahon ng aloe vera para makuha ang katas nito, na siya namang ipapahid sa mukha, ani Balingit.

“Kaunting-kaunti lang 'yong kailangan natin,” ani Balingit. “Mararamdaman mo habang nanunuyo siya nagi-stretch ['yong balat].”

Pero dahil may mga taong maaaring sensitibo o allergic sa katas ng aloe vera, mainam daw munang subukan ito sa pamamagitan ng pagpahid sa ibang bahagi ng katawan bago tuluyang ilagay sa mukha.

Puwede rin daw gumamit ng oatmeal, na mayaman sa protina at lipids na mabisa umanong mga moisturizer.

Ibabad muna ang oatmeal sa mainit na tubig saka ididikit sa mukha, ani Balingit.

Isa rin sa pangontra sa panunuyo ng balat ang binating egg yolk o pula ng itlog.

Mayaman daw ang pula ng itlog sa protina na nakatutulong sa elasticity ng balat at nakapagpapabagal ng paglaylay ng balat.

Bukod doon, may kakayahan din ang pula ng itlog na labanan ang mga impeksiyong dala ng mga tigyawat sa mukha, ani Balingit.

Maaari namang gamitin ang coconut oil o langis ng niyog para lumambot ang balat, ayon kay Balingit.

“Para i-hydrate siya, puwede rin natin gamitin iyong coconut oil,” ani Balingit.

“'Yong stretching na naganap kanina, biglang inii-smoothen,” dagdag ng doktora.

Maaari naman daw gamitin ang kalamansi at pinaglagaan ng kape bilang mga pampaputi ng balat.

Puwede raw iwan ang mga naturang “home remedy” sa mukha sa loob ng 20 minuto hanggang sa magdamag. Matapos ito ay ipinapayo ang paghihilamos o pagpunas sa mukha gamit ng basang tuwalya.

Nagbabala rin ang doktora laban sa pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa asukal, gaya ng bigas at mga softdrink, dahil isa raw ito sa mga sanhi ng panunuyo ng balat.

“Yong bigas na kinakain natin kasi puro asukal at kapag marami tayong kinakain na asukal tapos sinasabayan pa natin ng inom ng soda na punong-puno rin ng asukal, talagang nanunuyo iyong balat,” ani Balingit.

“Tinutulungan kasi ng ating balat iyong ating bato na ilabas 'yong mga asukal na sobra-sobra sa ating katawan,” paliwanag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.