Mga batang naapektuhan ng Taal eruption sumailalim sa 'bibliotherapy'

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 04:07 PM

Ang bibliotheraphy—na tinatawag ding book therapy—ay isang paraan kung saan ginagamit ang literatura o mga kuwento bilang therapy sa mga batang dumaan sa trauma o sakuna. April Magpantay, ABS-CBN News

IBAAN, Batangas — Napuno ng sayawan at kuwentuhan ang isinagawang "bibliotheraphy" sa nasa 90 mga bata sa interim area ng Taal eruption evacuees sa Barangay Malainin, Ibaan, Batangas noong Sabado.

Ang bibliotheraphy—na tinatawag ding book therapy—ay isang paraan kung saan ginagamit ang literatura o mga kuwento bilang therapy sa mga batang dumaan sa trauma o sakuna.

Sa pagputok kasi ng Bulkang Taal noong nakaraang buwan, maraming pamilya ang sapilitang nilisan ang kanilang mga tahanan para lumayo sa peligro.

Para maibsan ang trauma na pinagdaanan ng mga bata, nag-organisa ang ilang grupo ng art therapy at bibliotherapy para sa mga batang nakaranas ng kalamidad.

Umaasa ang mga grupo na sa pamamagitan nito, manunumbalik muli ang saya at pag-asa sa mga bata upang patuloy na mangarap para sa kanilang kinabukasan.

"Reading is one of the ways to release the emotional tension of the kids... But we are planning to continue this advocacy," ani Marianne Diesta, project manager ng grupong Makibatang.

Maalikabok man sa loob ng pasilidad, bakas pa rin ang mga ngiti at saya sa mga bata. April Magpantay, ABS-CBN News

Maalikabok man sa loob ng pasilidad, bakas pa rin ang mga ngiti at saya sa mga bata.

Pero may pansamantala mang masisilungan, hindi pa rin maaalis sa mga bata ang epekto ng nangyari sa bulkan.

"Malungkot po kasi po hindi ko po nakikita 'yung mga kaklase ko," ayon sa batang evacuee.

"Wala na po kaming bahay, natabunan po 'yung bahay namin eh," sabi pa ng isa.

MGA VOLUNTEER

Bukod naman sa tulong sa mga bata, malaki rin ang positibong epekto ng therapy maging sa volunteers.

"Nakakataba ng puso kasi 'yung talent sa pagsayaw, puwede ko pala siyang ibahagi sa mga bata," ani Jerick Dimaandal, volunteer.

"Bilang isang guro po ay masaya po kaming nakakapaglingkod sa mga bata, lalo na po dun sa mga batang naapektuhan po ng pagputok ng Bulkang Taal. Nakakapagpasaya po kami sa pamamagitan ng pagkukuwento," ani Ruel Lozano, volunteer

"Fulfilling siya to give back something kahit oras lang o panahon na ilalaan, at least that smile of a child is a reward," giit naman ni Carl Candava, volunteer.

Patuloy pa rin naman daw na iikot ang grupo nina Diesta sa mga evacuation area upang magsagawa ng therapy sa mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.