TINGNAN: Valentine's Day getaway sa Marilog, Davao

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2018 01:45 PM | Updated as of Feb 09 2018 02:05 PM

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Gusto mo ba ng tahimik at mas pribadong lugar para ipagdiwang ang Valentine’s Day?

Hindi na kailangang maghanap pa, dahil ang mga inland resorts sa Marilog ay tiyak na perpektong lugar para sa iyo o sa mag-asawang nais mag-bonding kasama ang kani-kanilang pamilya.

Mula sa downtown Davao, dalawang oras ang biyahe papuntang Marilog.

Bukod sa malamig na klima, mapapahanga ka sa magagandang tanawin dito gaya na lang ng "sea of clouds" na halos nakatakip na sa mga nakapalibot na bundok.

Puwede rin magtampisaw sa mga ilog.

Pagpasok pa lang bubungad na agad ang mini-water falls at iba’t ibang bulaklak na naka-landscape palibot sa resort.

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Kakaiba rin ang disenyo ng mga villas dito. Ayon sa may-ari ng Buda Vista Garden Resort na si Elizer Banares, sinikap nilang magkaroon ng magandang kombinasyon ang mga materyal na gamit dito.

Ang mag-asawang Legaspi na galing pa sa Dipolog City, nag-pre-Valentine date na sa isang resthouse sa Barangay Marahan kasama ang kanilang dalawang anak. Dito, tanaw nila ang bulubundukin sa Arakan Valley sa North Cotabato.

“It’s cold and ang ambiance is very homey at madaming trees,” sabi ni Lorraine Cecilia Legaspi.

Ayon kay Alma Cunanan, may-ari ng Eagles Ridge Resort, karamihan sa mga nagbabakasyon sa kanila ay mag-asawa o pamilya.

Para naman sa mga limitado lang ang budget, tiyak mag-e-enjoy sa Garden Resort sa may Barangay Datu Salumay na napapalibutan naman ng pine trees.

Pwedeng rin mag-overnight sa bamboo at log cottages at may wishing well pa. Atraksyon din ang magagandang bulaklak na pwedeng mabili sa gilid ng daan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.