ALAMIN: Paano malalaman na lupus ang sakit?

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 08:22 PM | Updated as of Feb 08 2018 10:48 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Marami ang hindi pa lubos na nauunawaan ang lupus, isang uri ng sakit kung saan nilalabanan ng immune system ang sariling katawan. 

Sa programang "Good Vibes" nitong Huwebes, tinalakay ni Dr. Sandra Navarra, isang rheumatologist, ang sakit na lupus at kung paano ito malulunasan. 

"Sa lupus, ang nangyayari kasi diyan, ang nilalabanan ng sarili mong immune system ay iyong sariling katawan. Para kang nagkakaroon ng kudeta sa katawan mo," ani Navarra.

Mahirap din umano malaman kung may sakit na lupus dahil may mga sintomas ito na kapareha ng iba't-ibang sakit gaya ng problema sa kidney, balat, at kasukasuan.

Lunas sa sakit 

Kung nakararamdam ng ilang sintomas ng lupus tulad ng pagkakaroon ng rashes sa balat o pamamaga ng kasukasuan, maaari umanong magpatingin sa isang rheumatologist.

"Rheumatologists usually has the databases ng mga lupus kasi ang dami niyang puwedeng gayahin na sakit," sinabi ng doktor.

Kapag na-diagnose na may lupus, dadaan umano sa isang treatment ang isang pasyente kung saan pahihinain ang immune system gamit ang mga gamot na immunosuppressives.

Kailangan din umanong balanse ang gamutan dahil posibleng magkaroon ng komplikasyon dahil sa mas pinahinang immune system. 

Para naman sa mga nakararanas ng pamamaga, gumagamit umano ang mga doktor ng gamot na anti-inflammatory, ayon kay Navarra.

Mga dapat gawin

Para sa mga may sakit na lupus, ang payo ni Navarra ay kumain ng masustansyang pagkain tulad ng isda, gulay, at prutas, at umiwas sa mga pagkaing maaalat. 

Huwag din umano magpaaraw dahil maaaring pasiglahin ng ultraviolet rays ang aktibidad ng sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.