Karir o kasal? Mas maraming Pinay, uunahin ang karera

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 06:41 PM

Mas maraming Pinay ang pipiliing tutukan ang kanilang karera o propesyon kaysa magpakasal, ayon sa isang survey na inilabas noong nakaraang taon.

Sa resulta ng "Filipina Next" survey ng global marketing communications brand na J. Walter Thompson (JWT), 58 porsiyento ng respondents na Pinay ang nagsabing di muna sila magpapakasal o kaya'y magkakaroon ng anak dahil gusto muna nilang magpursige sa karera.

Mahalaga rin para sa 68 porsiyento ng mga na-survey na Pilipina ang "me-time" o oras na laan lang para sa sarili.

Naging respondents sa survey ang mga Pinay na edad 18 hanggang 70 at mula sa iba't ibang sektor ng lipunan.

Isinagawa rin ang halos kaparehas na survey sa iba pang bansa gaya ng Amerika, China, United Kingdom, Brazil, Saudi Arabia, Russia, India, Australia, at South Africa.

Bukod sa resulta ukol sa pagpapakasal, lumabas din sa survey na 35 porsiyento ng mga Pinay ang aminadong nagiging isyu sa kanilang pagkamit ng tagumpay ang kanilang insecurities; 48 porsiyento rin ng mga Pilipina ang naniniwalang sarili nila ang kanilang pinakamahirap na kalaban sa pagiging matagumpay.

Base rin sa survey, 70 porsiyento ng mga Pinay ang naniniwalang hindi lang para sa mga nakababata ang pakikipagtalik; 50 porsiyento rito ang nagsabing umaasa silang mas magiging aktibo ang sex life habang tumatanda.

Nag-aalala naman ang 81 porsiyento ng mga Pinay sa mga isyung ukol sa pera, habang 59 porsiyento ang gumagastos ng higit sa kanilang sinasahod.

Sinabi rin ng 73 porsiyento ng mga Pinay na na-survey na sila ang gumagawa ng mga desisyong pinansiyal sa bahay, habang 80 porsiyento ang nagsabing sila rin ang pangunahing gumagastos sa kanilang pamilya.

Naniniwala rin ang 85 porsiyento ng mga Pinay na mainam ang teknolohiya para sa "women empowerment" at 80 porsiyento ang nagsabing nabigyan sila ng boses dahil sa teknolohiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.