PatrolPH

Ginang sa CamSur, umapela ng tulong para sa mga kinupkop na pusa

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2022 10:45 PM

Isang bahay sa Libmanan, Camarines Sur, nagsilbing tirahan ng mga inabandonang pusa.

Larawan mula kay Saira Avila
Larawan mula kay Saira Avila

Mismong ang maybahay na si Saira Avila, 38 anyos, ang kumupkop at nag-alaga sa mga ito na umabot na sa 26 ang kabuuang bilang.

Kuwento ni Saira, 10 lang talaga ang alaga niya sa 26 na pusa. Patuloy lang umano na nadagdagan simula noong 2020 dahil sa mga tinatapon na pusa sa labas mismo ng kanilang bahay. 

"Siguro po sinasadya na itapon talaga sa amin yung mga pusa kasi alam na may mga alaga kaming pusa. Yung mga tinatapon po dito sa amin umaabot ng 3 hanggang 4. Naaawa ako kaya kinukuha ko po," aniya.

Napamahal na kay Saira ang mga pusa. Sa katunayan, lahat ng mga ito ay binigyan niya pa ng pangalan.

Bukod sa mga pusa, may 7 rin siyang alagang aso.

Inaalagaan at minamahal niya umano ang mga pusa tulad ng pag-aalaga at pagmamahal sa dalawa niyang maliliit pang anak.

Problema lang ngayon ni Saira ang gastusin sa pang-araw-araw na pagkain ng mga alagang hayop.

Hindi naman umano sapat ang kanyang kinikita bilang barangay treasurer at ng kanyang asawa na isang magsasaka.

Nitong nakaraang araw, humingi siya ng tulong sa Bantay-Animal Welfare sa Albay para kahit papano makabili ng feeds para sa mga alagang pusa.

Umapela rin siya ng tulong sa kanyang social media.

"Humingi na po ako ng tulong kung sino ang may sobrang cat food para sa mga alaga ko po. Sobrang hirap po kasi ng buhay ngayon. Sabi po ni Papa ko, ipamigay na ang mga pusa kasi nakakadagdag pa daw sa gastos, imbes ibili ko na ng gatas ng anak ko. Ayoko naman po ipamigay kasi napamahal na sila sa akin," ani Saira.

Umaasa si Saira na makakayanan niya pang tustusan ang pagpapakain sa mga alagang pusa para manatili pa rin ang mga ito sa kanyang pangangalaga.

- ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.