PatrolPH

Mangangalakal sa Pampanga, naging mala-artista sa isang makeover

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2021 09:27 AM | Updated as of Feb 06 2021 08:04 PM

Mangangalakal sa Pampanga, naging mala-artista sa isang makeover 1
Nagmukhang Hollywood actor ang basurerong si Dennis Pascual matapos dumaan sa isang make-up transformation. Mga larawan mula kay Richard Strandz

ANGELES CITY, Pampanga— Namangha ang mga netizen sa isang kakaibang transformation makeover ng isang mangangalakal sa Angeles City.

Sa tulong ng hair and make-up artist na si Richard Strandz, ginupitan, binihisan, at isinalang pa sa photoshoot si Dennis Pascual—na pangangalakal ang naging kabuhayan, at lansangan na ang nagsilbing tahanan. 

“Talagang ang plano namin is gupit lang, mabigyan ko siya ng konting (pera) na mai-abot ko sa kanya. Tapos nung photoshoot namin, parang nage-enjoy naman siya. Gusto daw niyang magkaroon ng picture, tapos kahit sa mga magazine daw, o kaya 'yung mga picture na nakadikit sa mga truck," kuwento ni Strandz. 

Ipinost ni Strandz sa kaniyang Facebook account ang transformation makeover nitong Huwebes, at umani ng mga papuri at pagkamangha sa bagong look ni Dennis na inihalintulad pa sa isang Hollywood star. 

Ginawan din ito ng vlog ni Strandz na ini-upload sa Youtube, kung saan makikita na masaya si Dennis sa kaniyang mala-celebrity na itsura.

Watch more on iWantTFC

“Maganda, 'yung kumportable. Opo, nagustuhan ko," ani Dennis.

Ayon kay Strandz, likas na sa kaniya ang pagtulong sa mga kapos palad na gaya ni Dennis, lalo na’t siya man ay naranasan ang mangalakal ng basura.

“Siguro dahil sa nanggaling ako sa hirap, parang mas (malapit) sa akin 'yung mga less fortunate na tao. Parang gusto ko silang tulungan, para at least, may magawa silang something para sa sarili nila," dagdag ni Strandz.

Dahil naman sa post ni Strandz, umabot ito sa isa sa mga kapatid ni Dennis na taga-Bulacan na ilang dekada na umanong nawalay sa kanila, kaya plano niyang lumuwas ngayong Linggo sa Pampanga para muling makita ang kapatid.

Hindi umano dito natatapos ang pagtulong ni Strandz na plano pang i-enroll si Dennis sa gym para mapangalagaan ang pangangatawan at kalusugan nito. 

— ulat ni Trisha Mostoles

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.