PatrolPH

Paano nagdudulot ng inggit ang social media?

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2019 03:24 PM | Updated as of Feb 06 2019 03:38 PM

Watch more News on iWantTFC

Naranasan mo na bang makaramdam ng inggit matapos ikumpara ang sariling buhay sa buhay ng iba base sa kanilang social media posts?

Ayon sa psychiatrist na si Dr. Jerome Go, tinatawag ang ganoong kondisyon bilang "social media envy."

"Kasi 'pag nakikita natin sa mga posting sa Instagram, sa Facebook, karaniwan diyan siyempre pinakamagaganda lang 'yong nakikita. Pino-post mo 'yong pinakamagagandang balita, 'di naman nagpo-post ng mga negatibo," sabi ni Go sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

"So karaniwan 'yong mga tao naiinggit, 'Ay ang sarap pala ng buhay niya 'no?' o kaya 'Ang ganda pala noong lahat ng ginagawa niya, parating may good news,'" dagdag ng doktor.

Pero nagpaalala rin si Go sa mga social media user na hindi naman naipapakita sa social media ang kabuuang buhay ng isang tao.

"Pero lingid sa kanilang kaalaman mayroon ding negative side na hindi lang naipapakita doon," aniya.

Nabanggit ni Go ang "social media envy" sa talakayan ukol sa adiksiyon, partikular sa social media.

Dahil kadalasan ay mga bata ang gumagamit ng social media, nagpaalala si Go sa mga magulang na gabayan nang wasto ang mga bata sa paggamit nito.

Hindi rin daw dapat mapabayaan ng mga social media user ang kakayahan na makipag-interact o makipag-ugnayan sa ibang tao sa tunay na buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.