Abot-kayang crepes, patok na negosyo ng dating OFW

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 06:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hilig ng negosyante at dating overseas Filipino worker (OFW) na si She Dumilon ang pagkain ng crepe, isang uri ng panghimagas mula sa bansang France.

Pero napansin ni Dumilon na may kamahalan ang mga crepe na ibinebenta rito sa Pilipinas.

Ito ang nagtulak kay Dumilon para itayo ang "Crepes Delicious," na nagtitinda ng mga crepe sa presyong abot-kaya.

"Medyo masyado siyang mahal so naisip ko gumawa ng concept na masarap, healthy yet affordable," ani Dumilon.

Kabilang sa mga best-seller ng Crepes Delicious:

  • Blueberry and creme crepe - P78
  • Nutella banana delight - P68
  • Strawberry ice cream crepe - P79
  • Crepes overload - P118

Hindi lang panghimagas na crepe ang hatid ng tindahan ni Dumilon dahil may ilan silang flavor na pang-agahan, tulad ng cheesy omelette crepe na mabibili sa halagang P79.

Kuwento ni Dumilon, bago niya simulan ang negosyo ay nagpaturo muna siya sa isang French na kaibigan.

"Nagtanong ako sa isa kong French na friend ng recipe," ani Dumilon. "Pinasarap ko na lang 'yong recipe na ibinigay niya hanggang naging swak sa panlasang Filipino."

Pero ilang hamon din ang nilampasan ni Dumilon bago siya nagkakaroon ng matatag na negosyo.

Naranasan din ni Dumilon na makipagsapalaran sa ibang bansa.

"Hindi naman paradise 'yong abroad so hindi 'yan 'yong kagaya nu'ng mga tinitingnan ng ibang tao ... na 'pag pumunta ka ng abroad ay yayaman ka agad," kuwento ni Dumilon.

Nagkaroon din ng pagkakataong nakuha nila ng kaniyang mister ang mga anak para tumira kasama nila sa Abu Dhabi pero kalaunan ay pinabalik din dahil sa kakulangang pampinansiyal.

"Masakit na desisyon 'yon na iuwi mo 'yong mga anak mo, na hindi mo na sila kasama," sabi ni Dumilon.

Nang makaipon, nagdesisyon si Dumilon na umuwi ng Pilipinas habang naiwan ang mister sa Abu Dhabi.

Pagbalik sa bansa, agad naging adyenda ni Dumilon na sumabak sa negosyo.

Dalawang beses siyang pumasok sa franchising pero nabigo ito. 

Pero patuloy siyang nagpursigi hanggang sa naitatag ang Crepes Delicious.

"Ginawan ko talaga ng paraan 'yong costing na magawa ko siyang healthy, fresh, masarap tapos affordable," ani Dumilon.

Dahil hindi sinukuan, lumago ang Crepes Delicious. Kasalukuyan itong may walong branch.

"Ang aking purpose ay hindi lang 'yong may pera na may kayang bumili ang makakakain ng crepes," ani Dumilon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.