Sore throat, may kaugnayan ba sa lagay ng puso?

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 05:04 PM | Updated as of Feb 05 2019 05:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May kinalaman ba ang sore throat o pananakit ng lalamunan sa sakit sa puso? 

Maaaring pag-ugatan ng pagkasira ng balbula o valve ng puso, o rheumatic heart disease ang pagkakaroon ng sore throat, ayon sa pediatric cardiologist na si Dr. Aurelia Leus sa "Good Vibes" ng DZMM ngayong Martes. 

Bunga kasi ito ng streptococcal strep throat, isang sakit sa lalamunan na galing sa bacteria na streptococcus, at maaari itong mauwi sa rheumatic fever at rheumatic heart disease kung hindi agad ito mapatingin sa doktor. 

"Mas marami na talagang [ordinary] sore throat lang, they will go through not feeling anything else. Pero the few who will have rheumatic heart disease, mas mabuting magpatingin sila," ani Leus.

Paliwanag niya, komplikasyon ng rheumatic fever ang pagsingaw ng mga valve sa loob ng puso, na pangunahing sintomas ng rheumatic heart disease. Dito, maaaring kailanganin ng pasyente na operahan para hindi lumala.

Karaniwang mga kabataang 5 hanggang 15 anyos ang nakakakuha ng rheumatic fever, pero maaari rin daw itong makuha ng mga mas matatanda.

Nilinaw ng doktor na 3 porsiyento lamang ng mga nagkakaroon ng sore throat ang nagkakaroon ng rheumatic heart disease. 

Pero hangga't maaari raw ay agad magpatingin sa doktor tuwing nagkakaroon ng sore throat para matukoy kung ordinaryong sore throat lamang ito o strepthroat na kailangang turukan ng antibiotic. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.