Fashion designer, natutong 'magpakumbaba' sa pinagdaanang kontrobersiya

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 04:14 PM | Updated as of Aug 23 2018 10:38 AM

Naging magkaibigan ang fashion designer na si Boyet Fajardo (kanan) at ang dati niyang pinaluhod na empleyado ng Duty Free na si Marvin Fernandez (kaliwa).

Hindi biro ang mga pinagdaanan ng Filipino fashion designer na si Boyet Fajardo matapos masangkot sa kontrobersiya, halos isang dekada na ang nakalilipas.

Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ni Fajardo ang lahat ng kaniyang natutunan sa mga pangyayari.

"Sa napakahabang panahon na 'yon, naniwala ang mga tao na napakasama ko. Now I'm finally free from all these things," sabi ni Fajardo sa panayam ng ABS-CBN News.

Marso 2009 naging maugong ang pangalan ng beteranong designer matapos niyang sigawan at paluhurin ang ilang empleyado ng Duty Free Philippines.

Humantong pa sa demandahan ang insidenteng nag-ugat lamang sa hindi pagkakaunawaan sa transaksiyon sa credit card.

Aminado si Fajardo na dahil sa pagkakamali ay malaki ang nagbago sa kaniyang buhay.

"There were times na there are super malls that carried my brand, pinalabas ako, marami silang pinasara na brands ko," kuwento ni Fajardo.

Kahit nang magtungo sa ibang bansa si Fajardo ay iniugnay pa rin umano siya sa kontrobersiya.

Ayon sa designer, umabot pa sa puntong tanging ang kaniyang ina na lang ang kaniyang naging kakampi noong buhay pa ito.

Problema sa mata

Kasabay ng demanda laban sa kaniya, naharap din sa problema sa kalusugan si Fajardo nang magkaroon siya ng glaucoma.

"It was a long battle dahil sa sunod-sunod na pagsubok nag-trigger ang glaucoma ko na ikinabulag ko po. Nabulag ako for two and a half years," ani Fajardo.

"Dumaan ako sa mga psychiatrist, sa psychologist and it was a really sad story but it was just a thing of the past."

Pero kalaunan ay inurong din ni Marvin Fernandez, ang pinaluhod dati ni Fajardo, ang reklamong isinampa niya.

Nakuha ni Fernandez na patawarin ang taong dating nang-api sa kaniya.

"Para sa akin naman kasi, ang pagpapatawad deserving naman talaga ibigay doon sa taong dapat mong pagbigyan," ani Fernandez sa isang panayam.

Sa katunayan, naging malapit pa sina Fajardo at Fernandez matpaos ang insidente.

"Since that day na nag-file ako ng dismissal ng kaso, doon ko po na realize na why not na makipagkaibigan ako sa kanya?" ani Fernandez.

Sa huli, ibinahagi ni Fajardo ang kahalagahan ng pagpapakumbaba.

"Maging humble ka no matter what. Siguro dapat maging humble ka na lang at hindi na dapat tayo manatili sa mga ganun pag-uugali," anang designer.

Sa ngayon, abala si Fajardo sa pagtulong sa mga kagaya niyang may kapansanan sa mata.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.