MAYNILA – Halos triple na ang itinaas ng presyo ng bulaklak habang papalapit ang Valentine’s Day, ayon sa isang florist sa Dangwa sa Maynila ngayong Sabado.
Sinabi ni Airish Rome na bago pa man pumasok ang Pebrero ay nagsitaasan na ang presyo ng mga bulaklak na patok na patok tuwing buwan ng pag-ibig.
Nananatili aniyang mabenta ang pulang rosas para sa Valentine’s Day habang kani-kaniyang pakulo ang mga nagbebenta ng bulaklak upang kumita.
Ang ilang mga negosyante ay gumagawa na rin ng money bouquet, habang chocolate bouquet naman sa iba.
Uso na rin, ayon kay Rome, ang delivery at pagbili sa social media pages, kaya naman halos lahat ng tindahan ay nasa online na rin.
Aniya, karaniwang ibinibigay ang pink flowers sa mga kaibigan; sunflowers sa mga kapamilya; at star gazers sa mga nanay.
Money bouquet naman, aniya, ang patok para sa mga lolo at lola.
Nagbigay si Rome ng ilang tips para sa pagbili ng bulaklak tulad ng pag-screenshot sa design na nais ipagawa sa florist, at pagbili sa mga pinagkakatiwalaang tindahan upang hindi ma-scam.
Payo rin niya, araw-araw putulan ang mga bulaklak na mabibili upang humaba ang buhay nito.
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.