PatrolPH

‘Renaissance’: Panagbenga Festival sa Baguio City, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2023 03:55 PM | Updated as of Feb 06 2023 11:48 AM

Kuha ni Carl Taawan, ABS-CBN News/FILE
Kuha ni Carl Taawan, ABS-CBN News/FILE

MAYNILA – Pormal nang nagsimula ang inaabangang Panagbenga Festival sa lungsod ng Baguio nitong Pebrero 1. 

Ito ang unang beses na gaganapin muli ang taunang pagdiriwang matapos pansamantalang maapektuhan ng pandemya noong 2020 hanggang 2022. 

Ayon sa Tourism Officer ng Baguio na si Alec Mapalo, nagsimula ang isang buwang selebrasyon sa lugar sa isang multi-faith prayer sa Panagbenga Park, at sinundan ng parada tampok ang mga kalahok sa elementary drum and lyre competition. 

Kuwento ni Mapalo ngayong Sabado, masaya sila sa pagbabalik muli ng festival na nagsimula pa noong 1995 bilang hudyat ng pagbangon sa malagim na lindol noong 1990 na tumama sa Northern Luzon. 

Watch more News on iWantTFC

“This year talaga ang full blast ng revival. That's why our theme is, 'A Renaissance of Wonder and Beauty'. Talagang apektado ang ating turismo dito sa Baguio sa past 2 years. This is our way of showcasing that we can be resilient after all these challenges,” ani Mapalo sa ABS-CBN TeleRadyo.

Samantala, handa na rin ang mga hotel at restaurants sa inaasahang bugso ng mga turistang aakyat sa Baguio ngayong Pebrero upang saksihan ang mga kaganapan sa Panagbenga. 

Isa sa pinaka-inaabangan ay ang makulay at magarbong street dancing competition na mangyayari sa Pebrero 25. 

Ayon sa tagapagsalita ng Hotel and Restaurant Association of Baguio na si Andrew Pinero, may mga promo na ang mga hotel at kainan sa siyudad para sa buwang ito. 

Pero payo niya sa mga nagpaplanong pumunta, mag-book na nang maaga upang masigurong may matutuluyan sa Baguio.

“Ang ating mga restaurants and hotels po ay may kani-kaniyang Panagbenga promos that people can take advantage (of). Pero kailangan maaga po silang mag-book nang sa ganon ay may matitirhan sila. As we speak, medyo napupuno na po yung ilang hotels natin kaya mas maganda na maaga po silang mag-book,” ani Pinero. 

Sinigurado niyang ligtas ang mga transaksyon sa mga hotel sa Baguio City basta’t lehitimong establisyimento ito sa lungsod. 


KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.