PatrolPH

VIRAL: Paggagantsilyo pangmatagalang hanapbuhay ng lola sa Caloocan

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 07:44 PM | Updated as of Feb 04 2021 09:13 PM

VIRAL: Paggagantsilyo pangmatagalang hanapbuhay ng lola sa Caloocan 1
Si Lola Luisa Pangindian Chanliongco, 85, nagtitinda ng mga ginantsilyong gamit. Larawan ni Elle Buentipo, ABS-CBN News

MAYNILA — Paggagantsilyo ang naging susi ng isang lola sa Caloocan City para patuloy na kumita at matustusan ang mga pangangailangan.

Kwento ni Lola Luisa Pangindian Chanliongco sa ABS-CBN News, bata pa lamang siya ay marunong na siyang maggantsilyo at ito ang naging hanapbuhay hanggang sa tumanda na siya. 

“Bata pa lang ako nag-isip na ako kung anong pagkakatandaan kong hanapbuhay… ang natupad ko gantsilyo hanggang sa ngayon. Dala ko na ito simula pa pagkabata ang hanapbuhay na ito. Kasi po hindi ako nag-aral. Hindi ako pinaaral ng magulang ko,” kwento ni Chanliongco sa ABS-CBN News nitong Miyerkoles. 

“Walang nagturo sa’kin nito, basta iniisip ko lang po paano gagawin ko kasi wala akong kapatid na magtuturo. Sa eskwelahan ho sa [pagkakaalam] ko po hindi pa po ito tinuturo. Isip ko na lang po ito,” dagdag pa niya. 

Ayon kay Chanliongco, kaya nitong gumawa ng iba’t ibang mga gamit tulad ng bonet, brief, t-shirt, lalagyan ng water jug at iba pa na tumatagal ng ilang araw ang paggawa. 

Ngunit tumutok ito sa paggawa ng face masks at coin purse na aniya’y oras lamang ang inaabot ng paggawa.

Aniya, umaabot ng P1,000 hanggang P2,000 ang kita niya kada araw sa pagbebenta nito sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.

“‘Yung mga matatagal, hindi ko na ho muna ginagawa ‘yan … Mga dalawa P150 na wallet ‘yan ho ang ginagawa ko sa ngayon makaraos [at] kain lang ako,” 

“Ang hanapbuhay [ko] ’di swelduhan, nakikipagsapalaran ako. Sa awa ng Diyos, bumebenta rin po ako … ‘Yung simpleng araw na ganito, P1,000, so nakakain na ako nun,” dagdag pa niya. 

VIRAL: Paggagantsilyo pangmatagalang hanapbuhay ng lola sa Caloocan 2
Mga panindang coin purse, bonet at face masks ni Lola Luisa Pangindian Chanliongco. Elle Buentipo, ABS-CBN News

Kwento ni lola, sapat naman ang kaniyang kinikita para sa sarili at nakakapagbigay pa siya sa kaniyang mga anak na nangangailangan. 

Si Chanliongco ay may siyam na anak, dalawa dito ay namatay na. Pumanaw na rin ang kaniyang una at ikalawang asawa. 

Sa ngayon, kasama niya ang kaniyang pang-apat na anak na si Christy na nakatira rin sa Caloocan at malapit lamang ang bahay sa kanila.

“Wala po akong sinusuportahan, sa madaling salita, bigayan lang kami. Kung meron ka, gusto mo 'kong bigyan, salamat sa Diyos. Kung gusto kitang bigyan at nakatutulong ka, mas gusto kong nakatutulong ako sa alam kong meron ako,” saad ng lola.

“Kasi ang nasa isip ko hindi pa nila kaya. Alam ko na kahit titingin-tingin lang ang mga anak ko, alam ko na [kailangan nila],” dagdag pa niya. 

 

Sa ngayon, masaya si Chanliongco na maraming netizens ang nakapansin sa kaniyang mga nilalakong gawang-kamay. Kamakailan ay nag-viral ang lola sa isang larawang nakuhanan habang naglalako sa Maynila.

Aniya, masaya siyang dumarami ang kanyang mga nakikilala dahil sa kanyang hanapbuhay na patuloy niya pa ring gagawin araw-araw.

"Hindi ho ako titigil… habang kaya ko pa … ’yan lang ang aking libangan… hindi ka nag-iisip nang masama. Kapag nakagawa ka, naibenta mo, maligaya ka na," aniya.

"Maligaya ka, nagustuhan ka ng mga tao, malaking grasya na ‘yan. ’Yung nagustuhan ‘yung hanapbuhay ko … marami po ako ngayong kaibigan." 

— May ulat nina Elle Buentipo, ABS-CBN News at Cielo Gonzales, BMPM

MULA SA ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.