Maaari pa bang mabura ang stretch marks?

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 04:03 PM

Mas mainam na ipagamot na ang stretch marks habang bago pa, ayon sa isang doktor.

Sa programang "Good Vibes" sa DZMM nitong Lunes, ipinaliwanag ng dermatologist na si Dr. Gaile Robredo-Vitas ang kahulugan ng iba-ibang kulay ng stretch marks.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Vitas, ang stretch marks na kulay red, pink, violet, at brown ay bago pa lang o iyong tinatawag na "striae rubra," na mas madali raw gamutin, bagaman hindi ito tuluyang nawawala. 

"The good thing about the new stretch marks, sila 'yong mas madaling gamutin," sabi ni Vitas.

"So when you start early, for example, nagkaroon ka na ng stretch marks sa tiyan mo, sa may breast area, tapos nilagyan mo ng topical creams... mas maganda 'yong improvement niya, mas liliit iyong size niya, mas magiging less visible," paliwanag ng doktora.

Nakadepende rin daw sa kulay ng balat ng tao ang kulay ng stretch marks. Halimbawa umano ay kapag dark ang complexion o maitim ang isang tao, kadalasan umanong brown ang kulay ng stretch marks niya.

Pero kapag tumagal, nagiging maputi ang kulay ng stretch marks o iyong tinatawag na "striae alba."

"Kapag nag-age iyong stretch marks mo, actually kahit wala kang gawin, magiging white siya," ani Vitas.

"'Yon 'yong mas mahirap gamutin. Doon mas kailangan mo na ng a little more invasive procedure like fractionated laser resurfacing."

Ang stetch marks ay ang pagkabanat ng balat, kadalasan dahil sa pagbubuntis at labis na katabaan.

Ayon pa kay Vitas, hindi naman delikado ang stretch marks.

Pero ang stretch marks ay maaaring maging sintomas ng iba pang kondisyon gaya ng Marfan syndrome, isang sakit sa connective tissue.

Nilinaw rin ni Vitas na hindi lubusang nawawala ang stretch marks.

"Hindi siya completely mawawala pero mayroon mga nagla-lighten talaga," aniya.

Nakatutulong naman ang paglagay ng mga cream sa stretch marks para mag-moisturize at mabawasan ang pangangati sa bahagi ng balat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.