TINGNAN: Artworks na ginuhit gamit ang magnifying glass, sinag ng araw

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 01:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Detalyado at may kuwento ang bawat likhang-sining ng Igorot artist na si Jordan Mang-Osan. Sa sobrang linaw ng bawat guhit, hindi aakalain ng mga tumitingin na magnifying glass lamang ang ginamit sa pagbuo ng mga ito.

Solar drawing ang tawag sa istilo ni Mang-Osan – na mula La Trinidad, Benguet – kung saan itinututok niya sa sikat ng araw ang magnifying glass para makalikha ng mga itim na guhit sa canvas.

Itinuturing ni Mang-Osan ang solar drawing bilang “collaboration ng nature at technology.”

“’Yon ang napili kong medium dahil parang kakaiba sa ibang medium tapos hindi siya expensive. Mayroon ka lang magnifying glass at sinag ng araw, puwede ka nang makagawa ng artwork,” sabi sa “Matanglawin” ni Mang-Osan, na 3 dekada nang nagsasanay ng solar drawing. 

Kabilang sa mga obra ni Mang-Osan ang portraits ng ilang kilalang personalidad gaya nina Pambansang Kamao Manny Pacquiao at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Unang natutunan ni Mang-Osan ang istilo nang maging bahagi siya ng Baguio Arts Guild. Itinuturo ito sa kaniya ng tanyag na mixed-media artist na si Santiago Bose.

Inaabot ng ilang araw o buwan si Mang-Osan sa paglikha ng mga likha, depende sa laki. Naglalaro naman sa P2,000 hanggang P100,000 ang kaniyang mga artwork.

Binibigyang halaga rin ni Mang-Osan sa kaniyang mga obra ang kultura ng kaniyang pinagmulan.

“I hope makatulong itong artwork ko para ipakita sa mga kabataan ng Cordillera kung ano ‘yong mga kultura at sining na sinimulan ng aming mga ninuno,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.