PatrolPH

ALAMIN: Health benefits dulot ng dahon, bulaklak ng gumamela

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 12:22 PM | Updated as of Feb 05 2020 04:06 PM

Watch more on iWantTFC

Hindi lang maganda sa kapaligiran kundi may maganda ring dulot sa kalusugan ang bulaklak at dahon ng halamang gumamela.

Puwede umanong gawing tsaa ang mga dahon at bulaklak ng gumamela, na may properties na nakatutulong para maibsan ang pamamaga sa mga bahagi ng katawan, at panlaban sa mga sakit at bakterya, ayon sa doktor at alternative medicine practitioner na si Susan Balingit.

“A good tea with gumamela petals can help you alleviate ‘yong sakit ng namamaga niyong tuhod kasi may anti-inflammatory action siya,” ani Balingit sa “Salamat Dok.”

“Kung feel niyo mainit-init na rin kayo, nakatutulong din ‘yan kasi may antipyretic [properties] at antibacterial,” dagdag niya.

Bukod sa mga nabanggit, pinalalakas din umano ng gumamela ang baga, pinapababa ang blood sugar levels, at nakatutulong sa mga may urinary tract infection at may impeksiyon sa bato.

Napapakalma rin daw ng gumamela ang pagtunaw ng tao.

“So halimbawa, natatae ka, you can really take [gumamela] tea,” ani Balingit.

MGA PROBLEMA SA BALAT

May sagot din ang gumamela sa mga pangangati, pagsusugat at pamamaga sa balat.

Sakaling nakararanas ng mga nabanggit, ipinayo ni Balingit ang pagkuha ng sariwang dahon at haluan ito ng bulaklak ng gumamela.

Dikdikin umano ang pinaghalong dahon at bulaklak at itapal sa bahagi ng balat na makati, may sugat o namamaga. Gawin ito sa loob nang isang oras sa loob nang isang linggo o hanggang sa mawala ang pamamaga.

Isang natural na pampakinis ng balat at pampalago ng buhok ang gumamela, ani Balingit.

Pagsamahin lang ang dahon at bulaklak ng gumamela at dikdikin ang mga ito hanggang sa madurog at lumabas ang katas. Matapos iyon ay itapal ito sa balat o buong katawan sa loob nang 30 minuto bago banlawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.