Paano nakasasama sa puso ang alak, kape, energy drinks?

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 03:20 PM

Nagbabala ang isang doktor ukol sa pinsalang maaaring idulot sa puso ng labis na pag-inom ng alak, kape, at mga energy drink.

Ayon kay Dr. Rodney Jimenez, direktor ng Philippine Heart Association, mayroong kondisyong tinatawag na "alcoholic cardiomyopathy" kung saan nagkakaroon ng pinsala ang mga muscle sa puso dahil sa sobrang pag-inom ng alak.

"Nasisira din 'yong ating muscle sa heart, lumalaki siya and then naaapektuhan din iyong rhythm (tibok) ng heart," paliwanag ni Jimenez sa programang "Salamat Dok."

Delikado rin daw ang labis na pag-inom ng kape dahil nagdudulot ito ng "caffeine poisoning and toxicity."

"Sobrang bibilis lang lagi 'yong tibok ng puso na hindi naman natin kailangan," ani Jimenez.

Pero mas masama raw umano ang pag-inom ng energy drink kaysa kape dahil sa mas mataas na antas ng caffeine na nilalaman nito.

Ang caffeine na laman ng isang energy drink ay katumbas umano ng caffeine na nakukuha sa 10 tasa ng kape. 

"Bibilis lalo iyong tibok ng puso. Lalo kung may problema sa heart, ma-aggravate siya," ani Jimenez.

Bukod sa mga inumin, nagbabala rin si Jimenez ukol sa paninigarilyo.

Ang yosi naman, ani Jimenez, ay nagpapasikip sa mga daluyan ng dugo, dahilan para mabawasan ang oxygen na papunta sa puso.

"Unang hithit pa lang, magpapabilis na siya (yosi) ng tibok ng puso because magva-vasoconstrict 'yong mga daluyan ng puso," paliwanag ni Jimenez.

"Mababawasan 'yong oxygen papunta sa heart so mababawasan, masisira 'yong heart," dagdag ng doktor.

Ayon pa sa doktor, masama rin sa puso ang sedentary lifestyle o iyong uri ng pamumuhay kung saan kulang sa pisikal na aktibidad ang isang tao.

"Dapat talaga sa atin nagmo-move tayo," ani Jimenez.

Ayon kay Jimenez, ang normal na bilang ng tibok ng puso ay 60 to 100 kada minuto pero mayroon din daw mga librong nagsasabing katanggap-tanggap din ang 50 kada minuto.

Puwede rin daw pakiramdaman ang tibok ng puso sa pulso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.