KILALANIN: Photographer sa likod ng tanyag na 'Humans of New York'

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 08:00 PM | Updated as of Aug 21 2018 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa bansa ngayon ang Amerikanong photographer sa likod ng matagumpay na photography blog series na Humans of New York (HONY). 

Kabilang kasi ang Pilipinas sa mga bansang nililibot ni Brandon Stanton para bigyang pansin ang iba't-ibang kuwento ng mga pangkaraniwang tao.
 
Kuwento ni Stanton, 2010 nang magkaroon siya ng hangarin na magbenta ng kaniyang mga kuhang larawan para tustusan ang pamumuhay sa isa sa pinakamahal na lungsod sa mundo, ang New York sa Estados Unidos.

Ang pagkuha ng larawan at pagsasama ng kuwento ng iba't ibang mga pangkaraniwang tao sa New York ang nagpasikat sa kaniya.

Maging ang noo'y pangulo ng Amerika na si Barack Obama ay inimbitahan siya sa White House.

"This is something I love, capturing people's story through photography," ani Stanton.

Habang nasa Pilipinas, nag-organisa ng multimedia engagement si Stanton sa Cine Adarna ng University of the Philippines-Diliman. 

Unang pagkakataon sa bansa ni Stanton at marami siyang nakuhang larawan at mga makabuluhang kuwento ng mga Pilipino, na kaniyang inihahanda sa kaniyang panibagong proyekto. 
 
May 25 milyong follower sa social media ang mga serye ni Stanton at marami umano sa kaniyang mga tagahanga ay Pinoy.

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.