Bakit ipinapayo ang pagsusuot ng red panty sa Chinese New Year?

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 09:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sari-saring pampasuwerte na pasok sa budget ang maaaring mabili sa Chinatown sa Maynila ilang araw bago ang Chinese New Year sa Martes.

Isa na rito ang panabit sa pinto na binubuo ng pinya na pinalilibutan ng kiat kiat o dalandan, na tradisyon na ng mga Chinese para pasukin ng suwerte sa Chinese New Year. Nagkakahalaga ito ng P40 kada piraso o 3 for P100.

Ang luya at gabi na simbolo ng kasaganahan, nasa P50 hanggang P120, depende sa laki.

Nasa 3 for P100 din ang palay na sinasabit sa pinto.

Ang tikoy na simbolo ng maayos na pagsasama, nasa P40 hanggang P300, depende sa laki at tatak.

May mga abot-kayang pampasuwerte ring itinitinda na hindi lalagpas ng P500.

Pinakamabili ang red pouch na nilalagay sa bag, laman ang sari-saring pampaswerte gaya ng gamot para sa magandang kalusugan.
 
Ang lucky coins, nilalagay sa pitaka o checkbook. Kailangan din daw may laman ang wallet pagsapit ng Bagong Taon.

Ipinapayo rin ni Maxie Tiu ng Charme General Merchandising ang pagsuot ng pulang panty sa pagsalubong ng Chinese New Year.

"If you wear red panty, 'yung harmony magiging maganda ang aura natin. Iyung mga bad energy hindi lumalapit sa atin and the good will come in kasi tutulungan tayo kasi naka-red panty," ani Tiu.

Mayroon ding destiny thread para sa mga nais gumanda ang love life. Pero payo ni Tiu, pinakamainam pa rin ang magdasal at gumawa ng mabuti.

"This is a pig year, think positive and thank God na okay tayo ngayon... Importante to have a good heart and you will have good karma," payo ni Tiu.

Ayon sa feng shui master na si Joseph Chau, pagdating sa negosyo ay maraming pagsubok ang haharapin ng mga nasa industriyang may metal elements.

"Among all the careers this year, those that would face many challenges are those with metal elements like banking, car sales, machinery and raw materials," babala ni Chau.

Ayon pa kay Chau, masuwerte naman ngayong taon ang negosyong may kinalaman sa wood at earth elements gaya ng construction.


—Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.