Nagbibiyahe pa-Baguio para sa 'Panagbenga,' kaunti pa

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 06:43 PM

Simula na ng Panagbenga Festival sa Baguio City ngayong unang araw ng Pebrero.
    
Isa sa mga unang umakyat sa tanyag na lungsod ang mag-asawang Nelson at Rodora Layda mula Tarlac.
    

"Ine-expect namin na mas magaganda pa 'yung performance, 'yung mga costumes, yung mga kasali [this year]," ani Rodora.

Aminado ang ilang miyembro ng komiteng nag-aayos ng Panagbenga na nahuli ang kanilang paghahanda ngayong taon.

"Admittedly, we prepared late this year. Because of some matters pertaining to the AO (administrative order) of the mayor regarding the oppositions of the committees. But everything is in order now," ani Andrew Pinero, tagapagsalita ng Hotel & Restaurant Association of Baguio. 

Ang mga negosyante naman, naghahanda na para sa pagdagsa ng mga turista.

"Mas maganda 'yung set-up this year kaya sana mas maraming tourists ang ma-encourage para maganda rin 'yung outcome," ayon sa negosyanteng si Albert Angeles.

Nasa mahigit 200 puwesto ang binuksan para sa Baguio Blooms Exposition o Market Encounter na magtatagal hanggang Marso 4.

Sa ngayon, ayon sa bus companies sa Baguio, kaunti pa lang ang bilang ng mga pasaherong paakyat sa lungsod.

Nitong Miyerkoles o isang araw bago mag-Pebrero, nasa 25 hanggang 30 lang umano ang sakay ng mga umakyat na bus mula Maynila.

Sa Pebrero 24 ang grand street parade habang Pebrero 25 naman ang grand float parade.
    
--Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.