ALAMIN: Kahulugan ng bawat kulay ng rosas

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 10:53 PM | Updated as of Feb 02 2018 12:42 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa ang rosas sa mga patok na bulaklak na binibili at ipinamimigay, lalo na tuwing may natatanging pagdiriwang.

Ngunit ang pamimigay pala ng rosas ay hindi dapat basta-basta dahil may kani-kaniyang kahulugan ang bawat kulay nito.

"Passionate" o madamdamin at "beautiful" o magandang pag-ibig ang nais ipahiwatig ng pulang rosas.

Kasalukuyan itong mabibili ng P550 kada bouquet sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Maynila ngunit inaasahang tataas sa P850 hanggang P1,000 pagpasok ng linggo ng Valentine's Day, Pebrero 14.

"Pure" at "genuine" o tunay na pag-ibig naman ang kahulugan ng puting rosas.

Ang pink rose naman ay nagpapahiwatig ng "gentle" o mahinhin at "sweet" o matamis na pag-iibigan.

"Bright" at "cheerful" o magiliw na pagmamahal naman ang sagisag ng yellow rose.

Pawang nasa P500 ang presyo ng kada bouquet ng white, pink at yellow rose pero tataas ang mga ito sa P800 sa mga susunod na linggo.

Pagpapasalamat o "thankful love" ang kahulugan ng peach rose na kasalukuyang nasa P450 hanggang P500 kada bouquet. Tataas ito sa P700 hanggang P800 pagpasok ng linggo ng Pebrero 14.

"Excitement" o pagkasabik naman ang nais iparating ng fuschia rose.

Aakyat ang presyo ng kada bouquet nito sa P850 hanggang P1,000 sa linggo ng Valentine's Day mula sa kasalukuyang P550.

Kung ikaw ay nakararamdam ng "love at first sight" para sa kasintahan tuwing siya ay nakikita mo, lavender rose ang angkop na ibigay para sa kaniya.

Nasa P2,000 ang presyo ng kada bouquet nito at inaasahang aakyat sa P2,500 hanggang P3,000.

Kung halo-halo naman ang nararamdamang pag-ibig, puwedeng bumili ng rainbow roses, o bouquet ng mga rosas na may iba-ibang kulay.

Kasalukuyang nasa P1,000 ang presyo ng rainbow roses pero aakyat ito sa P1,500 hanggang P1,800 pagpatak ng linggo ng Valentine's Day.

-- Ulat ni Tina Marasigan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.