Sa loob ng halos limang dekada nila bilang mag-asawa, naging madali na para kay Emilita Santos na masabing kilalang-kilala na niya ang kaniyang mister na si Reynaldo, na pumanaw nito lang Enero 12.
Pero makalipas ang pagkamatay, may natuklasan si Emilita na lihim ng mister na labis niyang ikinagulat.
Matapos mailibing si Reynaldo, pinahakot ni Emilita ang mga gamit niya sa pinagtatrabahuhang Tuktukan Elementary School, kung saan nanilbihan si Reynaldo bilang security guard mula 1992 hanggang sa pagpanaw.
Laking gulat ni Emilita at ng iba pang mga kaanak nang bumagsak ang isang pitakang yari sa straw mula sa isa sa mga bota ni Reynaldo. Sa sobrang kapal kasi ng perang laman, halos hindi maisara ang zipper ng pitaka.
Aabot sa halagang P198,000 ang halaga na naipon at itinago ni Reynaldo sa loob ng bota.
Naniniwala ang mga kaanak at kasamahan ni Reynaldo sa paaralan na inilalaan ni Reynaldo ang pera para sa ika-50 anibersaryo ng kasal nila ni Emilita, na idaraos sana sa darating na Marso.
"Si Ka Rey naman kasi 'di naman ma-ano eh, hindi siya gastador. Siguro talaga lang pinaglaanan niya para sa asawa niya," sabi ni Teresita Reyes Tavares, officer-in-charge ng Tuktukan Elementary School, sa panayam ng programang “Rated K.”
Isa raw sa mga ipinangako noon ni Reynaldo kay Emilita ang maselyuhan ang kaniyang pangako na hanggang sa huli, isa lang ang babaeng mamahalin at pakakasalan niya.
“Sabi niya, mago-golden wedding pa tayo,” paggunita ni Emilita.
NAGSIMULA SA TUKSUHAN
Tindera ang noo’y 21 anyos na si Emilita nang makilala si Reynaldo, na nagtatrabaho bilang pahinante sa edad na 20. Nagsimula umano ang kanilang pag-iibigan sa simpleng panunukso.
"Tukso-tuksuhan lang iyon tapos 'yon nga, nanligaw siya, naghaharana, gumagawa ng love letter,” kuwento ni Emilita.
“Pati nga mga kapatid ko, 'tsaka mga lola ko, mga tiyahin ko, parang nililigawan din niya,” aniya.
Dahil tutol ang ama ni Emilita sa pag-iibigan, nagtanan ang dalawa.
Ikinasal sila noong Marso 2, 1969 at kalaunan ay nagkaroon ng apat na anak.
Pero hindi perpekto ang pagsasama ng dalawa at humarap din umano sila sa mga pagsubok gaya ng kakulangang pinansiyal at mga tsismis na nambababae umano si Reynaldo. Sa katunayan, tatlong beses pang muntik matuldukan ang kanilang walang hanggan.
TAPAT NA SEKYU
Naitaguyod ni Reynaldo ang pamilya sa loob ng matagal na panahon sa pagga-guwardiya
Kahit na-stroke siya noong 2007, sa edad na 70, ipinagpatuloy pa rin niya ang trabaho.
“Iyak nang iyak, ayaw niya maging pabigat sa mga anak niya,” kuwento ni Emilita.
Matapos ma-stroke, nagpalakas si Reynaldo at pinayagan naman ng pamunuan ng paaralan na magtuloy sa trabaho.
“Siya na po talaga 'yong pinagkakatiwalaan ng paaralan,” ani Yolanda Garcia, principal ng paaralan.
“Sabi niya, 'Hihinto ako (sa trabaho), ano gagawin ko sa bahay? Lalo ako manghihina,'” kuwento naman ni Estrella Santos Brillo, anak nina Reynaldo at Emilita.
Dahil sa umano ay magandang pakikisama ni Reynaldo sa ibang tao, bumuhos ang tulong sa pamilya noong siya ay pumanaw. Walang ginastos ang pamilya ni Reynaldo sa kaniyang libing at umabot pa sa P200,000 ang nalikom na tulong.
PAMPAGAMOT
Pero para kay Emilita, hindi matutumbasan ng perang natuklasan ang makapiling ang yumaong asawa.
“Sabi nga ng anak ko, 'Nanay ang dami niyo ng pera,' sabi ko, 'Di ko kailangan 'yang perang 'yan, tatay niyo kailangan ko,” ani Emilita.
Dahil naudlot ang muling pagpapakasal, gagamitin na lamang daw ni Emilita ang iniwang pera para sa pagpapagamot sa kaniyang sakit sa puso.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.