Maglolang nakatira sa tapat ng riles sa Laguna hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 03:45 PM | Updated as of Jan 31 2019 04:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Salat man sa maraming bagay, kayamanan ang turing ni Lola Lourdes Tampos sa kaniyang mga apo na sina Calvin Jay o CJ at Solei. 

Si CJ ay consistent honor student, at si Solei ay miyembro ng varsity team sa kanilang paaralan at itinuturing ng kanyang coach bilang isa sa pinakamagaling na manlalaro sa sepak takraw ng Sta. Rosa, Laguna.

Lumaki ang dalawa sa barong-barong na gawa mismo ni Lola Lourdes sa tapat ng riles sa Sta. Rosa, Laguna. 

Si Lola Lourdes ang bumubuhay sa kaniyang mga apo dahil ulila ang mga ito sa ama at ang nanay nila ay namamasukang katulong at buwanan kung umuwi. 

Pero sa kabila ng kanilang tagumpay ay hamon pa rin sa magkapatid ang pagpasok sa eskuwelahang 5 kilometro ang layo mula sa kanilang barong-barong. Kaya naman para makadiskarte ng pamasahe, natuto silang mamasada ng trolley. 

Bukod kasi sa kulang ang naipupundar ng kanilang inang namamasukan bilang katulong, kulang din ang kita ni Lola Lourdes sa pagbebenta ng gulay at tubig. 

Sa kabila ng mga hamong inihaharap, hangad ni Lola Lourdes na matupad ang pangarap ng kaniyang mga apo, lalo na’t maganda umano ang performance ng dalawa sa paaralan. 

"Sana matupad nila ang kanilang pangarap na makatapos para mapagaan ang trabaho, hindi lang sa pagto-trolley," ani Lourdes.

Dahil dito, sinorpresa ng grupong Rotary Club of Sta. Rosa Centro ang mga bata ng bisikleta at school supplies, at tubig bilang ayudang pangkapital para sa pagbebenta ni Lola Lourdes. 

Binigyan din sila ng Mission Possible team ng bigas at bisikleta para hindi na kakailanganin pang maglakad ng magkapatid para makapunta sa eskuwelahan. 

Hindi na rin poproblemahin ang pag-aaral ni CJ dahil biniyayaan siya ng full-scholarship pagdating sa kolehiyo. 

Ang kanyang lola naman ay isinama na rin ng Sta. Rosa, Laguna Office for Senior Citizen’s Affairs (OSCA) sa mga makatatanggap ng social pension sa kanilang lugar na nagkakahalagang P500 kada buwan.

Lubos ang pasasalamat ng maglolola sa biyayang natanggap nila. 

“Maraming salamat po lalo na kay God dahil binigyan kami ng blessing. Akala ko panaginip lang ang lahat,” saad ni CJ.

Para sa iba pang kuwento ng inspirasyon, sundan lang ang Mission Possible sa kanilang Facebook page.

--Ulat ni Raymond Sakiwat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.