RECIPE: Bistek Tagalog

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 03:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

All-time favorite ng pamilyang Pinoy ang putaheng Bistek Tagalog.

Sa pagdalaw ni Chef Jeanatte Alva sa programang "Umagang Kay Ganda," ibinahagi niya kung paano gawin ang naturang ulam.

Payo ni Alva, piliin ang parteng lomo ng baka upang madaling lumambot. Dapat rin daw ay mula ito sa batang baka upang hindi matigas ang karne at madaling maluto.

Kung walang lomo ay maaari naman daw ang sirloin o kung kapos sa budget at puwede ring baboy muna.

Upang simulan ang paggawa sa Bistek Tagalog, ihanda ang mga sumusunod na sangkap:

• 1/2 kilong lomo/tenderloin ng baka
• 1/4 tasa ng toyo
• 3-5 pirasong bawang
• 1 sibuyas na puti
• 5 pirasong kalamansi
• Paminta
• Asin
• Mantika

Hiwain sa maninipis na parte ang baka at ibabad nang buong gabi upang lumambot nang husto at maghiwahiwalay ang muscle.

Igisa ang sibuyas at itabi matapos mag-caramelize.

Prituhin ang karne ngunit huwag tagalan para hindi manigas. Itabi ang karne.

Maggisa ng bawang. Pagkaluto ay isama ang pinagbabaran ng baka.

Dagdagan ng kaunting tubig at ibalik ang sibuyas na itinabi.

Ibalik ang baka. Dagdagan ng asin at paminta. Hintaying maluto ang karne.

Kapag ihahain sa plato, maaaring ipaibabaw ang natirang mga sibuyas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.