ALAMIN: Karapatang mabisita ang anak na nasa pangangalaga ng dating asawa

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 07:30 PM | Updated as of Jan 31 2018 08:20 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Karapatan ng sino mang magulang na makasama o mabisita ang kaniyang anak sakali mang magwakas na ang pagsasama nila ng dating asawa.

Ito ang ipinaliwanag ni Atty. Claire Castro sa programang "Usapang De Campanilla" nang talakayin nila ang isyu ng "visitation rights" ng isang magulang sa anak.

"It's a natural right at hindi siya prebilehiyo...Karapatan na hindi maaaring hadlangan," ani Castro. 

Kuwento ni Castro, madalas ginagamit ng magulang ang anak bilang "paghihiganti" sa dating asawa dala na rin ng sari-saring emosyon dahil sa mapait na hiwalayan. 

Kung tutuusin aniya, hindi na dapat humantong sa korte ang isyu ng visitation rights kung kaya lang magkasundo ng dating mag-asawa.

Remedyo 

Payo ni Castro, kung nais ng isang magulang na dumulog sa korte upang makita ang nawalay na anak na nasa kustodiya ng dating asawa, dapat daw ay ipakita nito na gusto talaga niyang makapiling ang anak.

Dapat ay sumipot ito sa mga itatakdang hearing ng korte, paalala ni Castro.

Kapag naglabas na ng court order, obligado na ang dalawang partido na sundin ito. 

Kapag sinuway ang utos, maaaring mag-file ng mosyon sa korte ang naagrabyadong panig upang hingan ng paliwanag ang isang partido kung bakit ito hindi dapat i-cite in contempt. 

Dahil court order ang sinusuway, maaari na umano itong humantong sa pagkakakulong kapag nagmatigas pa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.