PatrolPH

Paano nakakaapekto ang diyabetes sa ereksiyon ng lalaki?

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 04:31 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Watch more News on iWantTFC

Mataas ang tsansa na magkaproblema ang isang lalaki sa pagpapatigas ng kaniyang ari kapag siya ay may diyabetes, ayon sa isang doktor.

Sa programang "Good Vibes" sa DZMM, ipinaliwanag ng urologist na si Dr. Joseph Lee na isa sa mga mekanismo ng ereksiyon o pagpapatigas ng ari ay ang pagdaloy ng dugo rito. 

Dahil ang diyabetes ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga blood vessel o daluyan ng dugo, puwede itong maging sanhi ng erectile dysfunction, ani Lee.

"Ang diabetes kasi may kinalaman sa hindi magandang pagdaloy ng dugo, 'yong thinning of the blood vessels sometimes 'di ba? So ngayon ang nangyayari you have your arteriogenic problem," ani Lee.

"More or less nasasabi natin, or higher percentage, when patient or 'yong isang lalaki na nagkakaedad later on na may diyabetes, there will be higher percentage na magkakaroon sila ng erectile dysfunction," dagdag ng doktor.

Ang erectile dysfunction ay isang kondisyon kung saan hirap ang lalaki na mapanatiling matigas ang kaniyang ari, lalo sa gitna ng pakikipagtalik, ani Lee. 

Ayon sa doktor, nakadepende kung gaano katindi ang erectile dysfunction sa kung gaano katindi ang pagkasira sa mga daluyan ng dugo o kahirapan sa pagdaloy ng dugo sa ari.

Kung nagagamot naman ang diyabetes ay hindi naman daw lalala ang erectile dysfunction, at mayroon din naman daw mga gamot para sa erectile dysfunction.

"'Pag sinasabi natin sa isang individual, okay, you know the risk na may diyabetes ka, of course, 'di natin papayagan na tumuloy-tuloy 'yong erectile dysfunction," ani Lee.

"So 'pag nag-maintain ka sa gamot mo, mayroon naman tayong mga gamot para sa erectile dysfunction na puwede namang tumulong."

Wala raw "average time" na pansukat sa erectile dysfunction. Ang mahalaga raw ay nananatiling erect o matigas ang ari ng lalaki sa buong proseso ng pakikipagtalik.

"Mula sa pagpasok to the katapusan, after the ejaculation has come, kailangan ma-execute mo ang erection," sabi ng doktor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.