'Once in a blue moon' mangyayari ngayong Enero

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 12:13 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong astronomical activities ang magsasabay-sabay sa Enero 31, kabilang ang total lunar eclipse, "blue moon," at "super moon."

Huling beses nakita ang malaking buwan na namumula sa Pilipinas noon pang 1982 o higit 30 taon na ang nakalipas.

Ayon sa PAGASA, ang blue moon o supermoon ay tungkol sa distansiya ng buwan sa mundo, at hindi sa kulay o laki ng buwan gaya ng pinaniniwalaan ng nakararami.

Ang blue moon ay nangyayari kung dalawang beses nagkaroon ng full moon sa loob ng isang buwan. 

Ang pangalawang full moon ang tinatawag na blue moon. 

Unang nagkaroon ng full moon noong Enero 2 habang pangalawang full moon na ang magaganap sa Enero 31.

Mangyayari naman ang blood moon o total lunar eclipse sa Enero 31, sa pagitan ng 8:51 hanggang 10:07 ng gabi. 

Isang oras at 16 na minuto ito tatagal. 

Nangyayari ang total lunar eclipse kapag ang mundo ay tumatakip sa buwan. 

Sa paggalaw ng mundo patungo sa total lunar eclipse, magsisimula ng 6:49 hanggang 7:48, at hanggang 8:51 ng gabi ang penumbral o partial eclipse. Mauulit ito sa 9:29 ng gabi. 

Matatapos ang partial o penumbral eclipse sa ganap na 11:11 hanggang 12:09 ng gabi. 

Ayon kay Engr. Mario Raymundo, isa ring weather specialist ng PAGASA, makikita ang total lunar eclipse sa buong bansa at walang anumang panganib kung tutunghayan ito.

Asahan nang marami ang tutunghay sa total lunar eclipse sa Enero 31. 

Pero nagbabala ang PAGASA na mula Enero 30 hanggang 31 ay may inaasahang pag-ulan sa northeastern part ng Luzon gayundin sa Mindanao at Palawan kaya posibleng hindi makita sa mga bahaging iyon ang lunar eclipse.

Inilabas na din ang mga atmospheric telescope sa University of the Philippines Observatory na maaaring magamit sa Enero 31.

-- Ulat nina Abner Mercado at Kim Atienza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.