PatrolPH

Pinoy artist ibinahagi kung paano nakapagtrabaho sa blockbuster Hollywood films

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2023 01:52 PM

Watch more News on iWantTFC

Pinagsamang suwerte at pagsusumikap ang naging susi kaya nakapagtrabaho ang isang Filipino-Canadian visual effects artists sa ilang blockbuster na pelikula sa Hollywood.

Kabilang ang mga superhero film na "Hellboy" at "The Dark Knight" sa mga proyektong trinabaho ni Jo Ann Belen, isang Filipino artist na kasalukuyang nakabase sa Canada.

Matapos kumuha ng kursong fine arts sa University of the Philippines-Diliman, napasok sa paggawa ng mga commercial si Belen.

"I got interested in post-production, meaning, when you go into post-production, nandoon 'yong video editing and then you do all the visual effects. So my job was doing mainly visual effects," sabi ni Belen sa panayam ng Teleradyo.

Kalauna'y lumipat si Belen sa Singapore, kung saan nagpatuloy siya sa paggawa ng mga commercial. Doon umano siya na-recruit ng kompanyang Double Negative para mag-train sa London kaugnay sa mga pelikula.

Aminado umano si Belen na hindi naging madali ang pagpasok niya sa pagtatrabaho sa Hollywood films.

"It was very competitive, I gotta be honest. At that time, I was very lukcy and fortunate na I was in Singapore with my family and bigla dumating 'yong company... and they wanted to hire people na they have no experience in film, they want to work on Hollywood films and be trained in London for one year," kuwento niya.

"Alam niyo naman mga Pinoy, magaling naman dumiskarte. 'Yong software na inaral ko, pagdating ko doon, first time ko gamitin so within the three weeks, pinaaral sa'kin 'yong software," aniya.

"It was a very, very challenging time pero noong nakita nila na kaya ko 'yon, they just kept giving me more and more work, so I got to work on bigger and bigger films," dagdag niya.

Ayon kay Belen, pagkatapos ng COVID-19 pandemic, mas marami nang film studio ang naghahanap ng talent mula sa ibang bansa.

"Kasi ang dami nang pelikula, mainstream sa cinema, sa theaters, mayroon pa tayong streaming services na naglalabas ng content so 'yong demand for talent is ever-growing," sabi niya.

"What's good about it, we can work remotely na kasi nago-open up 'yong studios to get more talent overseas. Dati, it's so limited to people working from the US, Canada or Europe pero ngayon, kahit saan, kung mayroon kang portfolio na maipapakita mo. And resources are available online na ngayon," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.