PANOORIN: Paano gumawa ng tie-dye shirt

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2019 03:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga fashion trend o mauusong moda ng kasuotan para sa 2019 ang “tie-dye” o iyong mga damit na may padrong kadalasan ay paikot at matitingkad na kulay.

Para sa mga nais makiuso, subukan ang kanilang pagiging malikhain, o kumita sa pagbebenta ng mga naturang damit, ibinahagi ni Bryona Garces ng Tie Dye Local sa programang “Salamat Dok” ang proseso sa paggawa ng mga tie-dye shirt.

Ang mga sumusunod ang mga kakailanganin sa paggawa ng tie-dye shirt:
• Puting damit (cotton)
• Dye o tina (kulay turquoise, pula, at dilaw)
• Soda ash
• Goma
• Squeeze bottle

Una ay ibabad sa loob ng isa hanggang dalawang oras ang puting damit sa soda ash, na magpapatagal sa pagkapit ng dye o tina sa damit.

Pigaing maigi ang damit matapos mababad.

Sunod ay i-twirl o paikutin ang damit at lagyan ng goma para maghigpit ang pagkakapaikot dito.

Para hindi maging makalat, ipatong ang damit sa tela o strainer na may pansalo sa ilalim.

Sunod ay lagyan na ng tina ang isang gilid ng nakabuhol na damit. Puwedeng gumamit ng squeeze bottle para kontrolado ang paglagay ng tina.

Baligtarin naman ang damit sa isa pa nitong gilid at lagyan muli ng tina.

Matapos lagyan ng tina, ilagay sa plastik ang nakabuhol na damit at patuyuin sa loob ng 24 oras.

Pagkalipas ng 24 oras, kuhanin ang damit sa plastik, alisin ang mga goma at banlawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.